Melai Larawan mula sa TikTok/@darlasauler at IG/@reginevalcasid

Melai naloka sa regalong Dior bag ni Regine

December 20, 2023 People's Tonight 262 views

NAKATANGGAP ng bonggang regalo ang comedienne-actress na si Melai Cantiveros mula sa kanyang ‘Magandang Buhay’ co-host na si Regine Velasquez.

Sa TikTok video na ibinahagi ni Darla Sauler, ibinida ng ‘Ma’am Chief’ star ang unboxing ng Christian Dior book tote na ibinigay sa kanya ni Asia’s Songbird.

“Guys, alam n’yo binigyan ako ng gift ni Momshie Reg. Congratulatory/Christmas gift. Sabi ko, ‘Hanggang birthday na ‘to! Huwag ka nang magregalo!’ Sobra ang regalo mo, Momshie Reg,” wika ni Melai.

Pabirong hirit pa ng comedienne-actress ay nagkaroon na siya ng nasabing bag noon pero ang binili niya ay peke lamang.

Sey pa ni Melai na hindi niya raw tatanggalin ang karton sa loob ng bag at balot sa hawakan para hindi madumihan.

“Mahal ‘to! Ambango,” saad pa niya.

“Momshie Reg, thank you so much. You’re the best. You know what? Hindi lang ako first honor, valedictorian kundi Summa Cum Laude na talaga ako!” hirit pa ni Melai.

Kamakailan lamang ay viral sa social media ang naging speech at pagdalo ng comedienne-actress sa ginanap na Asia Artist Awards 2023 kung saan nakatanggap ng pagkilala si Melai bilang Best Actor Award.

Ang nasabing event ay idinaos sa Pilipinas na dinaluhan ng mga bigating Korean actors at idols at ilan pang personalities mula sa ibang panig ng Asya.

AUTHOR PROFILE