Melai

Melai, Jhong, Kaila at ‘PBB Housemates,’ sanib-pwersa sa ‘Piliserye’

September 30, 2022 Ian F. Fariñas 81 views

BAGONG putahe ng panoorin ang hatid nina Melai Cantiveros, Jhong Hilario, Kaila Estrada at ilang PBB housemates sa kauna-unahang “piliserye” sa bansa, ang The Chosen One na napapanood sa PIE Channel.

Ayon sa direktor nitong si Topel Lee, nasa audience ang kapangyarihang i-control ang takbo ng istorya.

“You (viewers) get to play god sa ‘piliserye.’ Ikaw ang magdi-decide kung saan papunta ang kuwento, kung ano ang mangyayari sa characters. Fresh ito for this type of programming sa PIE Channel. They (viewers) get to vote kung sino ang gusto nilang matira o kung sino ang gusto nilang matsugi. Doon magdi-depend ang story, sa voters,” ani Direk Topel sa virtual mediacon.

Dagdag niya, “Siyempre hindi namin ikakalas sa main narrative but at least, mayroon tayong sinusundan na flow na manggagaling sa viewers kung ano ang gusto nila na mangyari sa characters natin.”

Kada-linggo, limang maswerteng voters ang maaaring mag-uwi ng P1,000.

Si Melai ang tumatayong host habang mentor naman si Jhong at si Kaila ang tinatawag na “unevictable character.”

Suspense thriller ang pilot episode nitong Soap Opera kung saan sumabak si Charlie (Kaila) sa networking group na Astra Nuevo ni Miss Jane (Melai).

Doon niya makikilala ang sampung entrepreneurs na sina Andi Abaya (Rachel), Dustin Mayores (Jason), Gabb Skribikin (Cheska), Amanda Zamora (Julie), Kobie Brown (Peter), Rob Blackburn (Joe), Seham Daghlas (Paula), Zach Guerrero (Mike), Luke Alford (Kiko) at Maxine Trinidad (Emma) na pwedeng ma-vote out.

Kada-Sabado, alas-otso hanggang alas-diyes ng gabi, ang live edition ng The Chosen One kung saan susuriin at ire-rate ni Jhong ang performance ng bawat player sa istorya.

Dito rin malalaman ang pwesto ng bawat player base sa boto ng audience.

Sa October 1 na malalaman kung sino sa 10 players ang maliligtas at kung sino ang nasa bottom two.

“First time ko na ganitong istorya. Kasi ako naman nagho-horror, pero may sundot na comedy. Dito parang may pagka-serious talaga,” sambit ni Melai.

Pinuri rin niya si Jhong sa pagsasabing, “Sobrang honored ako na kasama ko si Kuys Jhong. Talagang magkakaroon kami ng tawanan and banters. Sobrang happy din ako kasi ‘yan ang sample king.”

Ang The Chosen One ay napapanood tuwing Sabado, 8 p.m., sa PIE Channel.

AUTHOR PROFILE