Default Thumbnail

Mekaniko dedo sa banggaan sa Balayan

June 8, 2023 Jojo C. Magsombol 230 views

DEDO ang isang drayber at sugatan ang iba pa matapos aksidenteng makabangaan ng kanyang sinasakyang motorsiklo ang dalawang sasakyan sa National Highway, Barangay Sampaga, Balayan, Batangas bandang alas 7:15 ng gabi, Miyerkules.

Ayon sa Balayan police, ang nasawi ay isang 26-anyos na mekaniko at residente ng Bgy. Dacanlao, Calaca City, na ayon sa mga pulis ay wala umanong driver’s license nang maganap ang insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon, isang kulay pula na Yamaha Mio motorcycle na walang plaka na minamaneho ng mekaniko ay patungo sa Balayan town proper habang ang isang kulay orange na Honda Wave 125 na motorsiklo na minamaneho ng isang 17-anyos na binatilyo, estudyante at residente ng Bgy. Calantas, Calaca, na umano’y wala ring lisensiya ay nagmula sa kaliwang bahagi ng kalsada at pumasok sa National Highway patungo sa direksyon ng Calaca town proper.

Nagbanggaan ang dalawang motorsiklo at nahagip rin ang isang Kawasaki Barako motorcycle na minamaneho ng isang 20-anyos na lineman at residente ng Bgy. Dila Calaca.

Sa lakas umano ng banggaan ay tumilapong lahat ang mga biktima mula sa kani-kanilang sasakyan.

Agarang isinugod sa Balayan Bayview Hospital and Medical Center ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng sumuring doktor na si JC Peñaflorida ang biktimang mekaniko.

AUTHOR PROFILE