MEGA BAGONG PH SERBISYO FAIR
P1.26B serbisyo, cash aid ibinahagi sa 253K benepisyaryo sa EV
SA unang anibersaryo ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ngayong buwan, binisita nito ang Eastern Visayas dala ang kabuuang P1.26 bilyong halaga ng serbisyo ng gobyerno at cash assistance para sa 253,000 benepisyaryo, ang pinakamalaki sa kasaysayan ng serbisyo caravan.
Ipinagmalaki ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang pangunahing nagsusulong ng BPSF, ang narating ng serbisyo caravan na nasa ika-21 yugto na ngayong Biyernes mula nang simulan ito noong nakaraang taon.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang pagsasagawa ng region-wide BPSF ay maituturing ding isang milestone ng programa kung saan ang pangunahing Serbisyo Fair ay ilulungsad sa Tacloban, kasabay ng mas maliliit na BPSF sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Southern Leyte at Biliran.
“Sobrang proud na proud kami sa programang ito ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. dahil napakarami nating naabot na kababayan natin sa malalayong probinsya. Ito naman talaga ang esensya ng Bagong Pilipinas campaign ng ating Pangulo, ang ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga tao,” ani Speaker Romualdez.
“At ako’y naniniwala na natupad natin at patuloy na matutupad ang ninanais na ito ng ating Pangulo. Dadalhin natin ang Serbisyo Fair na ito sa buong bansa. Bibisitahin natin ang lahat ng probinsiya’t mga malalaking siyudad at ilalapit natin ang tulong sa taumbayan,” dagdag pa ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.
Ang BPSF sa Tacloban ang itinuturing na pinakamalaki pagdating sa dami ng mga opisyal ng gobyerno na dumalo — kabuuang 241 miyembro ng Kamara de Representantes, 12 gobernador, tatlong vice governor, siyam na mayor at 16 na opisyal mula sa Executive Department.
Ang pagbubukas ng BPSF sa Tacloban City ay isinagawa sa Leyte Sports Development Center Grandstand kung saan libu-libong tao ang dumalo.
“So this really is a BPSF for Eastern Visayas. Para na rin itong Thanksgiving celebrations natin kasi naka-isang taon tayong naghahatid ng direktang serbisyo at ayuda para sa ating mga kababayan sa malalayong lugar. Tunay na pinagpala ng Diyos ang ating BPSF dahil sa tagumpay nito,” sabi ni Speaker Romualdez.
“At dalangin natin ay mapuntahan ng BPSF ang lahat ng 82 na lalawigan ng Pilipinas, para lahat ay nakaranas kung paano inilapit ng administrasyon ni PBBM ang serbisyo publiko sa lahat ng tao,” pagpapatuloy pa nito.
Ayon kay House Deputy Secretary-General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada, ang pangunahing tumututok sa BPSF, nasa 56 ahensya ng gobyerno ang lumahok sa region-wide service caravan kung saan 328 serbisyo ang dala para sa mahigit 253,000 benepisyaryo.
Sa kabuuang P1.27 bilyong halaga ng programa at serbisyong dala ng caravan, P807 milyon ang cash assistance. Dahil sa dami ng ipamimigay, ang caravan ay magpapatuloy hanggang sa Sabado, Agosto 3.
Ayon kay Gabonada, ipagpapatuloy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang cash aid payouts hanggang sa maubos ang mahigit 140,000 benepisyaryo.
Mayroon ding dalang scholarship program ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), gayundin ang mga livelihood assistance at oportunidad sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.
“Thank you to everyone who has made the Bagong Pilipinas Serbisyo Fair a success. Your dedication and hard work are the driving force behind this initiative. Together, we will continue to build a brighter future for all Filipinos,” saad pa ni Speaker Romualdez.
Isang Pagkakaisa Concert kung saan inaasahan na aabot sa 50,000 ang manonood ang isasagawa sa Biyernes ng gabi sa RTR Plaza sa Tacloban City. Libre ang panonood nito.