Jinggoy

Medical teams ipadala sa OFWs sa HK — Jinggoy

February 22, 2022 People's Tonight 601 views

NANAWAGAN sa pamahalaan si dating senador Jinggoy Estrada para sa agarang pagpapadala ng medical teams sa Hong Kong upang tulungan ang libu-libong Pinoy workers na apektado ng lumolobong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Estrada, dapat din umanong magbukas ng temporary isolation centers at treatment facilities ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa Hong Kong upang bigyang-lunas ang mga OFWs na tinamaan ng COVID-19.

“Kailangan nating magpadala ng mga doctors, nurses at iba pang medical personnel bago tuluyang lumala ang situwasyon sa Hong Kong. Sa aking palagay, kaya naman ng Pilipinas na magpadala ng medical teams ngayong bahagyang bumababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa,” ani Estrada na dating chairman ng Senate labor committee.

Sinabi ng pambato ng Pwersa ng Masang Pilipino na libu-libong pamilya ng Filipino domestic workers ang labis na nangangamba sa lumalalang COVID-19 outbreak in Hong Kong. Aniya, maraming kababayan na may kaanak sa Hong Kong ang dumudulog sa kanyang tanggapan upang humingi ng tulong.

“Kumbinsido akong gagawin ng administrasyon ni Pangulong Duterte ang lahat upang matulungan ang ating mga kababayan. Ngunit kinakailangan itong madaliin upang maibsan ang takot ng ating mga kababayan sa Hong Kong,” diin niya.

Ayon kay Estrada, na muling tumatakbo pagka-senador sa ilalim ng UniTeam ticket, dapat umanong gamitin ng DFA, DOLE at ng Department of Health ang emergency funds nila upang pabilisin ang pagkilos.

“Habang hinihintay natin ang hakbang ng pamahalaan, nananawagan ako sa mga employers ng ating OFWs sa Hong Kong na kupkupin at alagaan ang mga manggagawang Pilipino sa halip na hayaan silang matulog at magtiis sa lansangan,” sambit ni Estrada.

Aniya, malaking bahagi ng 370,000 foreign domestic workers sa Hong Kong ay binubuo ng mga Pinay na karaniwang tagapag-taguyod ng kanilang pamilya sa Pilipinas.

AUTHOR PROFILE