Default Thumbnail

Media, patuloy na biktima ng karahasan

January 17, 2023 Paul M. Gutierrez 493 views

PaulBINABASA ninyo ito, dear readers, isang linggo na ngayon matapos asaltuhin ng hindi pa kilalang suspect si Joel Mina Fernandez, 52, isang correspondent ng DWBL na nagco-cover din sa Maynila.

Sa video footage na “suwerte” namang nakuha ni Fernandez at kanyang anak na lalaki, makikitang nakatayo si Fernandez sa kanto ng Ayala Boulevard/San Marcelino pasado alas-2 ng madaling araw noong Miyerkules, Enero 11, habang nakatingin sa kanyang cellphone.

Makikita rin na mula sa kanyang likuran, lumabas ang isang hindi pa kilalang suspect at brutal at patraydor siyang pinagpapalo sa ulo nang dala nitong motorcycle helmet kahit nakabulagta na siya na walang malay sa kalsada.

Matapos ang brutal na pag-atake, kampante namang umalis ang suspek at sumibad patungong UN Avenue.

Nalaman lang natin ang nangyari kay Fernandez ng magpunta siya sa National Press Club (NPC) kahapon upang humingi ng payo at tulong. Aniya pa, dalawang araw din siyang “nagpahinog” sa ospital kung saan lumabas sa CT-scan na may ‘fracture’ sa kanyang bungo; noong Biyernes, nang medyo kaya na ng kanyang katawan, nagpunta siya sa Manila City Hall para humingi ng tulong sa tanggapan ni Mayor Honey Lacuna.

At dahil nga ‘action lady,’ agad naman umanong kumilos ang tanggapan ni Mayor Honey na agad din siyang binigyan ng ‘referral letter’ sa legal department ng city hall.

Kung mabilis naman ang tugon ng tanggapan ni Mayor Honey sa pagbibigay sa kanya ng referral letter, hindi naman ganito ang impresyon natin sa mga operatiba ni MPD director B/Gen. Andre Dizon, hehehe, ayy, huhuhu!

Tinitipa natin ang kolum na ito ay hindi pa rin nga pala sinasagot ni DD Dizon ang ating text message sa kanya, ayos!

Sapul din umano ng mangyari ang insidente, DD Dizon, “dribol” lang din ang inabot ni Fernandez at kanyang anak na lalaki sa paghingi ng tulong sa matitikas na kasapi ng ‘Manila’s Finest,’ oh, ‘di ba, kasamang Aya Yupangco at MPDPC president Ed Gumban?

Bakit dribol? Eh, nakailang balik na raw sila sa MPD Lawton Station para sa kaukulang aksyon ng pulis, palaging sagot sa kanila, kung hindi “teka muna,” “bumalik na lang kayo bukas,” ayos ulit!

Kaya ang siste? Isang linggo na ang nakaraan, wala pa ring ideya si Fernandez kung “sino” ang umatake sa kanya, walang suspek na hinahanap ang mga pulis at ang motorsiklong ginamit ng suspek, hindi pa rin “maplakahan” sa kawalang aksyon ng MPD.

Oops! Tinangka rin umano nilang humingi na lang ng CCTV footages sa central command center sa Manila City Hall pero ang sagot sa kanila, “sira” ang mga CCTV sa mga lugar na posibleng dinaanan ng suspek!

Abah, teka, siguradong magagalit si Mayor Honey sa sistemang ganyan!

Nag-isip din tuloy tayo na kung totoong pulos sira ang mga CCTV sa Maynila, “bakit” ang daming nahuling motorista noong hindi pa suspendido ng Korte Suprema itong NCAP, hehehe!

Isinulat natin ito hindi upang batikusin ang ating mga pulis o ang liderato ni Mayor Honey.

(Congrats pala kay Mayor Honey sa pagkabasura ng COMELEC sa kasong vote buying laban sa kanya noong halalan).

Bagkus, isinulat natin ito upang ipaalam sa lahat na kahit ang mga kasapi ng media ay patuloy na nagiging bikitma ng mga karahasan sa ating lansangan.

At kung ang mga kasapi nga ng media, hindi nabibigyan ng pansin ang paghahanap sa hustisya, paano pa kaya ang ordinaryong mamamayan, aber? “Nganga” na lang ang peg, ganun?

At ano na nga pala kasi ang nangyari sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), mahal na Pang. BBM?

“Gumagana” o “buhay” pa ba ‘yan? Nagtatanong lang naman. At harinawang mabigyan ng hustisya si kasamang Joel Fernandez.

Abangan!

AUTHOR PROFILE