Me gumagawa ng sariling multo sa Caloocan

November 27, 2021 Marlon Purification 735 views

Marlon PurificationTALAGANG desperado na ang mga kalaban ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan.

Dahil hindi makapalo sa survey at patuloy na nangunguluntoy ang kanilang mga tagasuporta, walang ibang ginagawa ang mga kalaban nito kundi sirain ang imahe ng alkalde, gayundin ang anak na si Congressman Along Malapitan na siyang kandidato ngayon sa pagka-mayor sa lungsod.

Kamakailan, kung anu-anong ‘fake news’ ang ipinalabas na kesyo batbat daw ng anomalya ang mga biniling ‘tablet’ para sa pampublikong paaralan, pero nang patunayan ng piskalya na may ‘probable cause’ para kasuhan ang mga konsehal na nag-aakusa ay biglang natameme ang mga ito.

At sa halip, sabay-sabay silang nag-piyansa habang inaaantay ang ‘arraignment’ sa hukuman para sa kanila.

Ilang araw pa ang lumipas ay nagngangawa ang kalaban ng mga Malapitan. Na kesyo pinasok daw sila ng goons at ninakaw daw ang kanilang mga gamit.

Sabi tuloy ng mga ‘matatandaan tao sa Kankalo,’ paano mangyayaring ihaha-harass ng mga Malapitan ang kalaban, gayung alam nilang milya-milya ang agwat ng mga ito para talunin si Cong. Along.

Baka gumagawa na sila ng sarili nilang multo, ani Mang Kanor, isang senior citizen na sa Caloocan na ipinanganak, lumaki, nag-aral, nagkapamilya, nagkatrabaho at nagretiro.

Sinabi ni Mang Kanor na sa tagal na niya sa Caloocan, ngayon lamang nila itong nakitang maayos – may sariling eskuwelahan, maliwanag ang paligid, malinis at hindi tulad noon na nuknukan ng dumi at nanlilimahid.

Ang paniwala ng majority na residente ng Caloocan, gawa-gawa ang sinasabing ‘pagsalakay’ ng mga hoodlum para palabasing magiging magulo ang halalan sa lungsod.

“Madali namang magpapunta ng tao nila na naka-bonnet, tapos papalabasing tao sila ng kalaban. Parang cellphone lang ‘yan, sinabi na may paninirang text kay ganito si ganire, pero iyon pala, sila mismo ang may gawa,” sabi naman ni Aling Maria.

Anyway, nag-iimbestiga na ang Caloocan City police hinggil sa insidenteng ito at maniniwala tayong lalabas din any tunay katotohanan. Magaling yata ang hepe ng Caloocan PNP na si Col. Samuel Mina.

Samantala, ipinaliwanag ni Caloocan City Administrator Engr. Oliver Hernandez ang bintang na ayaw daw nito magbigay ng ‘building permit’ sa gagawing ‘campaign headquarters’ ng katunggali ng mga Malapitan.

Ani Hernandez, wala itong katotohanan dahil ang tunay na dahilan kung bakit wala pang naiisyung permit sa kanila ay kulang ang kanilang requirements.

Nakasaaad sa batas na bahagi sa inaaplayang ‘building permit’ ay ang pagbibigay pahintulot ng may-ari ng lupa sa nangungupahan na pinapayagan nila itong magpatayo ng anumang uri ng istraktura.

Ang problema, wala itong ‘authorization’ mula mismo sa may-ari ng ‘property’ kaya labas ang City Hall dito.

Nabatid na ayaw pumayag ng may-ari ng lupa na bigyan sila ng ‘authorization’ dahil ang nakasaad sa pinirmahan nilang kontrata ay ‘garahe’ lamang ito ng mga sasakyan kaya pinayagan silang umupa sa loob ng dalawang buwan.

Hindi umano alam ng may-ari na gagawin itong ‘campaign headquarters’ na lalagyan ng malalaking container, opisina, banyo at kung anu-ano pa.

Negosyante ang may-ari.

Wala itong hilig at kailanman ay ayaw nitong sumawsaw sa pulitika.

Ang para sa kanya, sundin na lang ang isinasaad sa kontrata at huwag nang ibahin ang kuwento!

Sabagay, may anim na buwan pa bago ang halalan.

May iba pang paraan para naman makadikit kahit papano ang mga kalaban ng Malapitan sa kanila.

Galingan na lang nila sa pangangampanya at pagpapa-abot ng magagandang mensahe.

Nahahalata kasing nag-uumpisa pa lang ang laban ay parang ‘end game’ na para sa kanila!