McDo-QC nilooban, P145K natangay mula sa vault

June 4, 2021 Melnie Ragasa-limena 72 views

PINASOK ng kawatan ang isang sangay ng McDonald sa Quezon City at tinangay ang umaabot sa halagang P145,000 na nasa safety vault nitong Biyernes ng madaling araw.

Sa inisyal na report ng Quezon City Police District (QCPD) La Loma Police Station 1, bandang alas-3:00 ng madaling araw (June 4), nang pasukin ng mga kawatan ang McDonald’s food chain restaurant, sa Banawe Branch na nasa kanto ng Quezon Avenue at Banawe Sts., sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Jesus Lapinid III, sinabi umano ng manager ng McDonald’s na nakilalang si Maria Victoria Lingo-Libunao na dalawang lalaki umano na kapwa nakasuot ng kulay gray na t-shirt, itim na short, head gear at face mask, at parehong payat ang nanloob sa nasabing food chain.

Nadiskubre lamang umano ni Libunao ang naganap na nakawan nang siya ay dumating kinaumagahan, at kasama ang duty security guard na si Bernie Ogama ay ni-review nila ang CCTV footage sa bisinidad.

Kuhang -kuha umano sa CCTV ang pagbasag ng mga kawatan sa acrylic covering ng sliding window sa drive thru area, at pagkatapos ay agad na dumiretso sa manager’s office saka nilimas ang umaabot sa halagang P145,000 na nasa loob ng safety vault.

Nang masamsam na ang nasabing halaga ay naglakad lamang papatakas ang mga kawatan.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa naganap na nakawan.