
McCoy umaming nahirapan sa ‘In Thy Name’
AMINADO si McCoy de Leon na ang pagganap sa karakter ni Fr. Rhoel Gallardo, CMF sa “In Thy Name” ang isa sa pinakamahirap na ginawa niya.
Lalo na raw ’yung eksena kung saan dinukot ang pari ng Abu Sayyaf.
Ani McCoy, “Lahat ng detalye, base sa totoong testimonya ng mga na-hostage, kaya kailangan naming maramdaman kung ano talaga ang pinagdaanan nila. Masikip, maputik, mainit, magulo, pagod, madumi at madugo lahat kami sa set kailangan maramdaman ‘yun. Bukod sa physical na hirap, kailangan ding ipakita ‘yung dahan-dahang pagbabago sa itsura at pangangatawan habang lumilipas ang mga buwan.
“Hindi na lang rin ito basta pag-arte o pagganap kundi pagbibigay-pugay na rin sa sakripisyo ni Fr. Rhoel, sa kanyang pagiging martyr at isang kwento ng pananampalataya,” patuloy ng aktor.
Ang characterization nga raw ang isa sa most crucial aspects ng “In Thy Name,” na kasalukuyang napapanood sa mga sinehan nationwide.
Sey ni McCoy, “Totoong tao ang ginagampanan ko kaya kailangan maibagay ko ang bawat detalye sa lahat ng ginagawa niya sa buhay, ultimo kung paano siya magsulat at magbasa ng Bibliya.
“Hindi lang kilos, pagsasalita at ugali ang kailangang pag-aralan, kundi pati ang kanyang pinagmulan, kinalakhan at mga paniniwala. Ang kanyang nakaraan ay mahalaga para mas maunawaan ko kung paano siya nag-isip at kumilos sa bawat sitwasyon. Ang bawat karanasan niya ay isang detalye ng kanyang pagkatao, at ito ang gusto kong maipakita nang tapat sa pelikula.
“Isa sa pinakamasaya ako na natutunan ko dito, ang tamang pagsagawa ng Misa — mula sa bawat kilos at pananalita na isinasagawa ng isang pari. Dahil bata pa lang ako lumaki ako na laging nanunuod ng misa linggo-linggo. Kaya sana eh mabigyan niyo ng pagkakataong mapanood itong pelikula ito,” dagdag pa niya.
Ang “In Thy Name” ay inspired ng martyrdom ni Fr. Rhoel, isang Claretian priest na naglingkod sa Basilan.
Ayon sa mga nakakakilala sa kanya, isa siyang masayahing pari, palaging nakangiti at soft- spoken.
Noong 2000, dinukot siya ng mga Abu Sayyaf. Pero sa kabila ng hirap at torture na dinanas sa pagkakabihag, nanatili siyang matatag sa kanyang pananampalataya.
Katunayan, itinuturing siyang martir ng simbahan dahil sa kanyang sakripisyo at tapang para sa kanyang misyon.
Bukod kay McCoy, tumatak din ang pagganap ni Mon Confiado sa pelikula bilang si Abu Sabaya, ang rebeldeng nagpahirap sa paring misyonero. Kasama rin sa cast si JC de Vera.
Mula sa direksyon nina Ceasar Soriano at Rommel Galapia Ruiz, ang “In Thy Name” ay hatid ng Viva Films.