Mccoy

McCoy, naka-relate sa role sa musical film

November 19, 2021 Vinia Vivar 230 views

Aminado si McCoy de Leon na naka-relate siya habang ginagawa ang musical film na Yorme: The Isko Domagoso Story.

Si McCoy ang gumaganap bilang teenager na Isko sa pelikula na na-discover ng isang talent manager hanggang mapabilang sa sikat na youth-oriented show ni German Moreno na That’s Entertainment.

“Sobra akong naka-relate kasi unang-una taga-Tondo rin ako. Saka ’yung time ko kasi na ginampanan pa-artista siya, eh, kaya naka-relate rin ako du’n sa feeling na sana mapansin din ako. Na sana makuha ako sa audition.

“Actually, may eksena ako rito na parang nag-a-audition na sobrang genuine siya kasi hindi siya karaniwang audition. Audition siya ng isang taga-Tondo,” kuwento ni McCoy.

Ano nga ba ang naging take away niya sa pelikula?

“Kasi sa amin bilang artista ang daming batikos, ang daming pangit na salitang maririnig ka. Pero nu’ng ginampanan ko ’yung story niya, alam mo ’yung nandiyan ka na sa baba pero titirahin ka pa ng masasakit na salita, durog na durog ka du’n.

“Pero siya, kung paano niya hina-handle, ‘Okey lang ’yan, huwag mong pansinin ’yan.’ Ganu’n siya, hindi niya lalabanan.

“Kaya na-realize ko na kung ’yung iba nakakatanggap ng masasakit na salita online mas worst pa ’yung talagang nandu’n sa labas na naririnig ’yung boses talaga ng mga tao. Kaya ‘yon ‘yung take away ko na isang malaking realization din,” sabi ni McCoy.

Bukod sa pag-arte ay sumabak din ang aktor sa pagkanta sa Yorme. Paano niya ito pinaghandaan?

“May isang kanta ako sa Yorme na sobrang happy, sobrang uplifting ’yung feeling — ito ’yung Artista Na Ako. Same rin kasi ’yung naramdaman ko nu’ng pini-perform ko ’yung kanta du’n sa na-feel ko dati nu’ng nagsimula na akong mag-artista.

“Pagdating naman sa paghahanda, bago ako matulog pinapakinggan ko talaga ’yung kanta. Paulit-ulit sa phone ko, sa computer, sa kotse. Kasi alam ko sa sarili ko na kailangan kong gawin ’yon kasi ’pag nagpa-relax-relax lang ako alam naman natin na hindi ko mabibigyan ng hustisya ’yung role ko. Kaya dugo’t pawis din talaga.

First musical film ni McCoy ang Yorme at sana raw ay hindi ito ang last.

Anyway, gaganap naman bilang batang Isko si Raikko Mateo. Si Xian Lim naman ang present day Isko.

Directed by Joven Tan and distributed by Viva Films, showing na ang Yorme sa Dec. 1.

AUTHOR PROFILE