Mc vs trailer truck; rider patay, angkas sugatan

December 4, 2022 Edd Reyes 112 views

HALOS malasog ang katawan ng 22-anyos na rider habang sugatan naman ang kanyang ka-angkas nang mabundol nila ang isang trailer truck Linggo ng madaling araw sa Navotas City.

Namatay noon din ang biktimang si Christopher Endrac, residente ng R-10 Sitio Puting Bato, North Bay Boulevard South (NBBS) habang isinugod ng mga nagrespondeng tauhan ng Navotas Disaster Risk Reduction and Management Office (NDRRMO) sa Tondo Medical Center ang ka-angkas niyang si Aldrin Dilao, 29 ng Bitungol, Norzagaray, Bulacan upang malapatan ng lunas sa tinamong pinsala sa katawan.

Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan sa driver ng tractor head na kulay asul na may kargang kulay pulang container van na tumakas matapos ang insidente.

Lumabas sa pagsisiyasat ni Navotas Police traffic investigator P/Cpl. Dandy Sargento na tinatahak ng mga biktima ang kahabaan ng North Bay Boulevard, Brgy. NBBS Proper dakong 4:20 a.m. galing na Honorio Lopez Blvd. sa Maynila at patungong Navotas City habang galing naman sa area ng Caloocan City ang trailer truck na tumatahak sa C3 Road patungong Maynila.

Naunang tumawid sa North Bay Boulevard ang trailer truck pakaliwa sa North Bay Boulevard kaya’t sumalpok ang paparating na motorsiklo ng biktima sa gitnang bahagi ng trailer na dahilan upang tumilapon ang dalawang sakay nito sa kanilang motorsiklo at magulungan ang nasawing biktima.

Ipinasusuri na ni Navotas Police Chief P/Col. Dexter Ollaging ang mga nakakabit na close circuit television (CCTV) camera sa lugar na pinangyarihan ng aksidente upang matukoy ang plate number ng tractor head at makilala ang driver nito para sa paghahain ng kaukulang kaso.

AUTHOR PROFILE