Default Thumbnail

MC taxi rider sugatan, angkas dedo matapos sumalpok sa bus

January 18, 2023 Melnie Ragasa-limena 277 views

PATAY ang isang pasahero ng isang motorcycle (MC) taxi habang sugatan naman ang rider nito nang masalpok ng pampasaherong bus sa sa Barangay Immaculate Concepcion, Quezon City, Martes ng umaga.

Agad namatay ang lalaking pasahero, 44, may asawa, residente ng Oroquieta St., Bgy. Sta. Cruz, Maynila, habang sugatan naman ang rider, 41, at nakatira sa Pascual St., Navotas City.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 4, bandang 11:00 ng umaga (Enero 17), nang maganap ang aksidente sa intersection ng Denver at New York Sts., sa Bgy. Immaculate Concepcion, QC.

Agad namang nadakip ang driver ng bus na may biyaheng Cubao-Aurora, 42, may asawa, at naninirahan sa Bgy. Sablayan, Baler Aurora.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga nagrespondeng sina P/Cpl. Mark Bryan O. Loredo at P/SSgt. Noel Tubal ng Traffic Sector 4, binabaybay umano ng bus driver ang kahabaan ng New York Ave., galing E. Rodriguez Sr. Ave. patungong EDSA.

Pero pagsapit sa kanto ng Denver St., sa Bgy. Immaculate Concepcion, ay nasalpok nito ang minamanehong motorcycle taxi ng mga biktima na patungo naman ng Aurora Blvd. sa lungsod.

Dahil sa lakas ng impact ay kapwa tumilapon ang rider at pasahero nito na agad namang isinugod sa East Avenue Medical Center pero idineklara nang “dead on arrival” ang angkas ng motorsiklo ni Dra. Jessie Monsal, sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo.

Nakapiit na ang bus driver habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kaniya.