Mc riders sinagip babaeng na-trap sa loob ng sasakyan

June 16, 2021 Melnie Ragasa-limena 181 views

ISANG babae na na-trap sa loob ng kanyang naaksidenteng sasakyan ang sinagip ng mga motorcycle riders na nakasaksi sa aksidente sa Martes ng gabi Quezon City.

Hindi na muna tinukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na kaagad namang naisugod sa pagamutan upang malapatan ng lunas.

Batay sa ulat ng Traffic Sector 5 ng Quezon City Police District (QCPD), bago maghatinggabi nang maganap ang aksidente sa Commonwealth Avenue.

Sa pahayag ng isa sa mga saksi na si Prince Fuentes, rider, nag-U-turn ang babae na sakay ng isang puting AUV ngunit bumangga ito sa mga concrete barrier sa lugar at dalawang ulit pang umikot ang sasakyan.

Dahil sa lakas nang pagkakabangga, nawasak ang harapan ng sasakyan at nabasag ang windshield nito, habang nagtumbahan ang mga concrete barrier.

Kaagad namang dinaluhan ni Fuentes at ng isa pang rider, na hindi na nakuha ang pangalan, ang biktima na na-trap sa loob ng sasakyan at kumakatok at humihingi ng tulong.

Gumamit umano ng malalaking bato ang mga rider upang basagin ang salamin ng sasakyan sa passenger side upang kaagad na mailabas ang biktima, sa pangambang ma-suffocate ito dahil umuusok na umano ang sasakyan dahil sa aksidente.

“Kumakatok po siya. Ngayon po nakita namin yung loob umuusok po nag-decide na po kami basagin ng isang rider din po basagin na po kasi baka ma-suffocate,” ani Fuentes.

Kaagad rin namang dumating ang mga imbestigador at rescue team sa lugar at dinala ang biktima sa pagamutan upang malapatan ng lunas.

Aminado naman umano ang biktima na nakainom siya nang maganap ang aksidente dahil kagagaling lamang nito sa isang birthday party.