MC rider huli sa shabu, baril

February 9, 2022 Edd Reyes 464 views

BIGO ang 41-anyos na motorcycle (MC) rider na may bitbit na baril at shabu na matakasan ang isinasagawang Comelec checkpoint ng pulisya matapos mahuli sa ginanap na habulan Martes ng tanghali sa Valenzuela City.

Hindi na nagtaka ang mga pulis kung bakit umiwas sa checkpoint ang suspek na si Eduard Santos, residente ng Pio Valenzuela St. Brgy. Marulas matapos makuha sa kanya ng pulisya ang dalawang piraso ng plastic sachet na 0.5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,400 at isang kalibre .38 baril na may apat na bala.

Sa ulat na natanggap ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Jose Santiago Hidalgo, nagsasagawa ng Comelec Checkpoint ang mga tauhan ng Valenzuela Police sa kahabaan ng R. Valenzuela St. Marulas dakong alas-12 ng tanghali nang mamataan nila ang isang lalaking nagmamaneho ng motorsiklo ng walang suot na helmet.

Nang parahin ng mga pulis ang lalaki, sa halip na huminto ay pinaharurot niya ang minamanehong motorsiklo na naging dahilan upang habulin siya ng mga pulis hanggang masakote ilang metro lamang ang layo sa naturang lugar.

Nang hanapan ng lisensiya si Santos, wala siyang maipakita, pati na ang rehistro at official receipt ng minamanehong motorsiklo kaya’t isinailalim siya sa regular na pagrerekita at dito nakuha ang baril at shabu sa bitbit niyang itim na sling bag.

Kinumpiska rin ng mga pulis ang dalang mobile phone ng suspek at ini-impound ang minamaneho niyang motorsiklo upang isailalim sa beripikasyon.

Patong-patong na kasong paglabag sa R.A. 9165 Comprehensive Dangerous Drug Act, illegal possession of firearm and ammunition, R.A 10054 Motorcycle Helmet Act, at Article 151 ng Revised Penal Code o ang unjustifiable disobedience of lawful orders of Persons in Authority or their Agents ang kakaharapin ng suspek sa piskalya ng Valenzuela City.

AUTHOR PROFILE