Mayora Ynares nagbabala sa mga nanloloko sa ayuda
HINDI ngayon ang panahon ng panloloko at panlalamang sa kapwa.
Ito ang mensahe ni Antipolo City Mayor Andrea “Andeng” Ynares, sabay babala na hindi makakalampas sa kanila at sa national government, ang anumang pandaraya na tatangkain o ginagawa sa pagtanggap ng ayuda.
“Hindi lamang ang Antipolo City government kungdi maging ang national government ay nakabantay at alam ang ginagawa niyong pandaraya. Akala niyo lang nakalusot kayo, pero mahuhuli kayo at kakasuhan,” mariing pahayag ni Mayora Andeng.
Nag-ugat ang babala ni Mayora Andeng kasunod ng ilang insidente ng panloloko sa pagtanggap ng ayuda kung saan may apat na tao ang gumawa nito at nabisto rin naman agad.
Kamakailan ay inaresto ang mag-live-in partner na kumubra ng P34,000 na ayuda. Mismong ang pamahalaan ang nagsampa ng kasong estafa at falsification of public documents kina Conrado Lauron Cruz at Gina Gundran, mga residente ng Bgy. San Isidro.
Kwento ni Mayora Andeng, kahit kasi alam nang bawal ang mag-asawa o live-in partners ay nag-fill up pa rin ng magkabukod na application forms ang dalawa.
“Pareho pa rin nilang kinuha ang pera mula sa DSWD. Sila din ay parehong nakakuha ng tig- P13k nung unang bigayan ng ayuda. Nangangahulugan po na sa araw na ito ay tig-17k na po ang nakukuha nila mula sa DSWD, o kabuuang 34k silang mag live-in partner,” malungkot na pahayag ni Mayora Ynares.
Ganyan rin ang ginawa ng mag-partner na sina William Perlas at Jonalyn Labios mula sa Barangay de la Paz.
“Pinuntahan sila ng barangay staff para bawiin ang sobrang ayuda ngunit nagmatigas at ayaw isauli ang pera. Nahaharap sila ngayon sa mga kasong estafa at falsification ng mga dokumento.
“Muli, magsilbi po sanang aral ito sa mga gumawa ng parehong pananamantala. Gayundin po ang mga nakakuha ng ayuda mula sa dalawang magka ibang barangay o bayan, kayo po ay kasunod na kakasuhan din ng mga kapulisan,” pahayag ni Mayora Andeng.
“Makonsensya naman kayo. Huwag gahaman. Ang ayuda mula sa pamahalaan ay para po sa lahat. Lahat po ay nangangailangan ng ayuda, tapos manloloko at mandaraya lang kayo. Anuman po ang ating kalagayan sa buhay, hindi po ito dahilan para gumawa po tayo ng mali” pagtatapos ni Mayora Ynares.