SOCAD SOCAD 2024 — Nasa larawan si San Jose City Mayor Kokoy Salvador (gitna) kasama ang kanyang maybahay, si Veronica (3rd mula kanan), kanyang nanay, at pamilya, saka si Vice Mayor Alexis “Ali” Salvador (2nd mula kaliwa). Kuha ni STEVE A. GOSUICO.

Mayor Kokoy inihayag ‘dream plan’ na pagpapatayo ng P1B education complex

April 7, 2024 Steve A. Gosuico 110 views

SAN JOSE CITY – Inihayag ni City Mayor Mario “Kokoy” Salvador ang kanyang “dream plan” na pagtatayo ng isang educational complex na tinawag niya na “Kolehiyo ng Lungsod ng San Jose” na maglalaman ng mga school buildings at magbibigay ng libreng college education sa mga lokal na estudyante sa lungsod na ito.

“May 14 months na lang akong natitira bilang mayor ng lungsod at patuloy ang pagtatayo ng school buildings para sa libreng kolehiyo para sa Batang San Jose, said Salvador, na nasa ikatlo at huling termino bilang city mayor.

Ibinunyag ng graduating city mayor ang kanyang “dream plan” sa kanyang “State of the City Address” (SOCAD) sa Pag-Asa gymnasium sa Bgy. F.E. Marcos noong Huwebes dito.

“Malaking budget ang kailangan almost P1-billion ang kailangan para sa project. Malay natin maapura ito, kasi ang kailangan natin dito ay ang tulong ng isang congressman, malay natin baka magkaroon ng katulong na congressman si Vice Mayor Ali Salvador (sa darating na panahon),” dagdag ng city mayor, na una nang nagpahiwatig ng kanyang hangarin na tumakbo bilang kongresista sa ikalawang Distrito ng lalawigan sa 2025 elections.

Napag-alaman na ang pangarap ni Salvador na isang educational complex na tatawaging “Kolehiyo ng Lungsod ng San Jose” ay itinatayo sa isang limang ektaryang lupain sa Bgy. Sto. Tomas. Ang mga kursong mungkahing iaalok sa nasabing kolehiyo para sa libreng edukasyon ay mga karaniwang hindi iniaalok sa mga unibersidad tulad ng Central Luzon State University na nakabase sa Science City ng Muñoz.

“Ang aking pangarap bilang public servant ay mayroon pang Chapter 2 tandaan nyo yan, yan po ang abangan natin,” said Salvador, na masigabong pinalakpakan matapos ang kanyang talumpati.

Kabilang sa mga highlight ng SOCAD na binanggit ni Salvador ay ang pagtanggap ng pamahalaang lungsod ng prestihiyosong Department of Interior and Local Government’s Seal of Good Local Governance (SGLG) award para sa 2023, ang ika-apat na pagkakataon na nakamit nito ang parangal sa ilalim ng kanyang administrasyon matapos itong makopo sa una at pangalawa, taong 2019 at 2018 at pangatlo nitong 2022.

AUTHOR PROFILE