Default Thumbnail

Mayor Jun nagbabala vs ‘reservation scam’ sa Antipolo

July 11, 2023 People's Tonight 195 views

NAGBABALA ang Antipolo City government laban sa panibagong scam kung saan ginagamit ang pangalan ng LGU o tanggapan ng provincial government at pangalan ng dating gobernador para magpareserba sa mga restaurants at events places.

Ayon kay Antipolo City Mayor Jun Ynares III, madalas na ginagamit ng mga kawatan ang pangalan ng kanyang ama na si dating governor Casimiro “Ito” Ynares Jr.

Hindi rin aniya totoo na nagpapareserba ang Antipolo LGU.

“Tayo po ay nakatanggap ng madaming text messages at tawag mula sa ilang restaurants at events place para kumpirmahin o mag follow-up ng reservation daw natin sa kanila mula sa mga nagpakilala na mula daw sa office of the mayor o office of the governor at ginagamit pa ang pangalan ni former Governor Ito,” sabi ni Mayor Jun.

Kasabay nito, nanawagan ang alkalde sa publiko lalo na sa mga business establishments sa lalawigan ng Rizal na maging maingat at kumpirmahin lagi sa kanilang tanggapan ang mga nasabing tawag, lalo na kung gagamitin ang pangalan ng LGU, provincial government at dating Gov. Ito Ynares Jr.

“Huwag basta maniniwala sa mga anonymous calls at texts at mga nagpapanggap na mula sa aming tanggapan. Maging alerto at mag-ingat sa mga ganitong modus upang huwag maging biktima,” sabi ni Mayor Jun.

Nanawagan naman si Mayor Jun na itigil na ang ganitong panloloko. Nagbabala siya na ipapa-trace ang mga ito sa Philippine National Police-Anti Cybercrime Group upang mapa-aresto at makasuhan.

AUTHOR PROFILE