Default Thumbnail

Mayor Joy Belmonte di palulusutin mga ‘menace to society’

August 30, 2023 Allan L. Encarnacion 183 views

Allan EncarnacionKaya palaging napipintasan ang sistema ng ating hustisya ay dahil din mismo ipinagkakanulo ng mga nasa pamahalaan ang babaeng nakapiring habang hawak ang timbangan at ang kanyang tabak!

Nang makabundol at sagasaan pa ang isang traffic enforcer, matagal hinanap ang responsableng driver. Naglabasan ang mga balita na anak at hindi tatay ang nagmamaneho nang mangyari ang insidente. Nag-viral din ito sa social media kaya nagpupuyos sa galit ang publiko.

Mga ilang araw naghanapan, mga ilang araw nanawagan para sumuko. Maririnig mo pa ang isang police general na galit na galit at gusto panagutin ang nagtatagong suspect.

Pero nagising na lang tayo, nagmano pa kay police general ang nanay ng sumukong suspect bago mag-press conference. And they live happily ever after! Sakit sa dibdib!

Heto na naman tayo, dito sa nag-viral na video ng isang armadong nagkasa ng baril na bumigwas sa isang siklista. Mga ilang araw din nagsasalimbayan sa ating mga social media feeds ang video ng insidente, ang picture ng armado at ang mismong pagdagok sa siklista.

Galit na galit na naman ang netizen, nauhaw na naman sila sa dugo, katakot-takot na pagmumura ang ginawa ng mga kababayan natin sa matapang na nasa video.

Katulad ng nakasagasa sa enforcer na nag-hit and run, nagpupuyos na naman sa galit ang publiko. Gusto na naman nilang tirisin ang nagkasa ng baril at dumagok sa siklista.

Ilang araw na namang tumakbo sa social media. At gaya ng dati, once upon a time, biglang lumantad ang hinahanap, nag-press conference na naman sa police headwuarters pa ng QCPD. At naulit na naman nga ang kasaysayan, sa paglantad ng suspect, may kasama pang police general na naman na umaktong spokesperson niya.

Sa tototoo lang, mas marami pang nasabi si QCPD Chief, General Torres kaysa sa pinaghahanap ng batas. Part two ito ng fairly tale…. and they live happily ever after!

Saklap di po ba?

Ang tanong, wala man lang bang marunong mag-isip sa PNP kung paano hahawakan ang ganitong klase ng kaso nang hindi naiinsulto ang ating mga kababayan sa babaeng tinanggalan natin ng piring at hinataw pa natin ng timbangan sa ulo?

Malungkot po ito para maraming tao na hanggang ngayon ay sumisigaw na katarungan para mabigyan ng pantay na pagtrato ng ating batas. Ang kantiyaw tuloy sa kanila, purdoy sila kaya ayaw magsalita ng mga heneral para sa kanila!

Wala po tayong huhusgahan sa kahit sinong inaakusahan sa mga nag-viral na video. Bahala na ang publikong humusga sa naging aksiyon ng nagkasa ng armas dahil hindi rin natin alam kung ano ang pinag-ugatan nito.

Ang ating punto ay doon sa mga awtoridad na palaging nagiging tagapagsalita ng mga taong lulutang kapag ilang araw nang hinahanap ng batas.

PNP Chief, Director General Benjamin Acorda, may tinatawag pong delicadeza na dapat maituro sa ating mga pulis para hindi sila pumapasok sa madilim na lungga na mahirap nang lumabas.

Mukhang hindi naman po mahihirap ang mga taong nasasangkot sa isyu, kayang-kaya nilang kumuha at magbayad ng abogado or spokesman para sa kanilang pagharap sa press conference.

Huwag naman po ang mga kawal ng PNP na may estrelya pa sa balikat ang kunin nilang spokesperson, please!

Sa bahagi naman ng QC government, mismong si Mayor Joy Belmonte ang nagpahayag ng pagkagalit sa insidente. Ramdan ni Mayor Joy ang problema sa isyung ito kaya may direktiba siya na imbestigahan ito mabuti at huwag palusutin ang tinawag niyang “menace to society.”

Pero sa QCPD, mapait na press conference ang alay sa bayan— at nagamit pa ang punong himpilan ng pulisya bilang bulwagan ng may armas.

[email protected]