Mayor Honey, VM Yul Servo, sinimulan pamaskuhan ang mga senior citizen
TULAD ng dapat asahan, muling pinangunahan nina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang pamamahagi ng Christmas gift boxes sa mga senior citizen ng Maynila, araw ng Miyerkules.
Ang Christmas gift boxes, na kinapapalooban ng cookies, tumbler at kape, ay nakatakdang ipamahagi sa may 179,000 senior citizen na naninirahan sa 897 barangay sa Maynila, kahit ilan pa ang bilang nila sa isang pamilya.
“Ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ay gumagawa ng lahat ng paraan para maibigay namin sa inyo ang inyong mga pangangailangan. Ito man lamang po ay maibigay namin sa inyo sa tamang oras kasi alam po naming na marami kayong pangangailangan,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan nang isagawa ang unang araw ng kanilang pamamahagi sa Barangays 96 at 97 in Tondo.
Kung inabot ng 12-araw sina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo bago matapos ang pamamahagi ng Christmas food boxes sa may 695,000 pamilya sa lungsod, umaasa ang alkalde at bise alkalde na matatapos nila sa loob lamang ng dalawang araw ang distribusyon ng mga gift boxes sa mga matatanda.
“Pagdamutan po ninyo ang aming munting nakayanan. Ito lamang po ang aming paraan para patunayan po sa lahat ng ating mga senior citizens kung gaano po kayo ka-importante sa amin dahil kung wala po kayo, saan naman kami manggagaling? Wala rin po ‘di ba? Kaya dapat lang mapangalagaan namin kayo,” pagpapakumbaba pang pahayag ng alkalde sa mga nakaupong senior citizen na tatanggap ng gift boxes.
“Kaya po dalangin namin sa inyo, magandang kalusugan, magandang pangangatawan, at sana po sa darating na Kapaskuhan, maipagdiwang ninyo ang totoong spirit ng Christmas, kasama po ang inyong mga mahal sa buhay,” dagdag pa niya.