Default Thumbnail

Mayor Honey, VM Yul Servo naghandog ng Christmas boxes sa San Andres Bukid

December 6, 2022 Edd Reyes 251 views

SA ika-anim na araw ng pamamahagi ng Christmas food boxes, muling pinangasiwaan nina Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang pagkakaloob nito sa mga residente ng Barangay 775, Martes ng umaga.

Nasa mukha ang kasiyahan ang mga residenteng naninirahan sa San Andres Bukid sa distrito ng Sta. Ana nang salubungin nila si Mayor Lacuna-Pangan na maagang dumating, suot ang puting t-shirt na may tatak na “Paskong Manileno 2022”, gray na palda at puting rubber shoes bago mag-alas-8 ng umaga.

Habang naglalakad patungo sa lugar kung saan ipapamahagi ang mga Christmas food boxes, nagpaunlak pa si Mayor Lacuna-Pangan na makamayan at makumusta siya ng mga naninirahan sa lugar na karamihan ay sinamantala ang pagkakataon na makapagpakuha ng larawan, kasama ang alkalde.

“Kahit po napakarami nating pinagdaanang paghihirap nitong nakaraang dalawa at kalahating taon, nandirito pa rin tayo, magkakasama pa rin, at iyan po ay isang bagay na dapat nating pasalamatan,” pahayag ng alkalde sa kanyang pagsasalita bago ang pamamahagi.

Bago pa man matapos ang pagsasalita ng alkalde ay dumating si Vice Mayor Yul Servo upang maging katuwang ni Mayor Lacuna-Pangan sa pamamahagi ng Christmas food boxes.

Inuna ng alkalde at bise alkalde ang pagkakaloob ng Christmas boxes sa mga residenteng may kapansanan at mga matatanda upang hindi na sila magtagal na pumila at makauwi kaagad sa kanilang tahanan.

Inaasahang ipagpapatuloy nina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo ang personal na pagkakaloob ng mga Christmas boxes sa mga mamamayan ng lungsod upang matapos ng pamamahagi nito hanggang Disyembre 12.

Napag-alaman kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Mayor Lacuna-Pangan, na umaabot na sa 450,000 na mga Christmas food boxes ang naipamahagi na ng lokal na pamahalaan sa may 580 barangay sa Lungsod ng Maynila.

AUTHOR PROFILE