Mayor Honey, VM Servo namigay ng ayuda sa mga nasunugan sa Tondo
PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo-Nieto Martes ng hapon ang pamamahagi ng tulong pinansiyal, hygiene kit, at relief goods sa may 2,006 na pamilya na nawalan ng tirahan sa malaking sunog na naganap sa Aroma, Tondo noong Setyembre 14.
Nagpaabot ng pasasalamat ang alkalde sa mayorya ng Sangguniang Panlungsod sa mabilis na pagpapasa ng resolusyon na magpapahintulot sa pagpapalabas ng pondo na aniya ay labis na kinakailangan. Ang pondo, na katumbas ng P10,000 kada pamilya ay mula sa Office of the Mayor bilang suporta sa pagbangong muli ng mga biktima ng sunog.
Sa kabila ng naganap na malaking sunog, nagpapasalamat pa rin si Mayor Lacuna na walang nasawi isa man sa mga nasunugan. Sa naturang sakuna, naabo ang tirahan ng 6,726 na indibiduwal, kabilang dito ang 3,862 na mga bata, 2,580 matatanda, 39 na mga batang PWDs, 25 matatandang PWDs, at 220 mga senior citizens. Sa mga naapektuhang residente, 1,559 sa mga ito ay pag-aari nila ang kanilang tirahan, 297 ang mga nangungupahan at 150 ang nakikitira lamang.
Pinuri rin ng alkaldeng doktor ang katatagan ng bawa’t komunidad at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at opisyal ng barangay upang matiyak ang agarang pagkakaloob ng tulong.
“Walang maliit o malaking sakuna na hindi natin kayang lagpasan basta’t tulong-tulong tayo. Ang mabilis na pag-apruba ng City Council sa resolusyong ito ay patunay na kapag ang kapakanan ng ating mga kababayan ang nakataya, walang kulay ng pulitika—lahat tayo ay nagkakaisa para sa kapakanan ng bawat pamilyang Manileño,” sabi pa ni Mayor Honey Lacuna.
Nagpasalamat din ang alkalde sa mga konsehal sa pagbibigay prayoridad sa kapakanan ng mga apektadong pamilya na nagpapatunay sa pangako ng pamahalaang lungsod na maipagkaloob kaagad ang tulong sa mga nangangailangan.