
Mayor Honey tumangging pamunuan ang PhilHealth
ISINIWALAT ni Manila Mayor Honey Lacuna na tumanggi siyang pamunuan ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na unang inalok sa kanya ni Health Secretary Teodoro Herbosa.
Sinabi ito ng alkalde sa panayam sa kanya ni Anthony “Ka Tunying” Taberna.
“In passing nagsabi po si Secretary Herbosa. Ang sagot ko po, hindi ko forte yan. Hindi po ako aalis bilang alkalde,” pahayag ni Mayor Lacuna.
Matapos namang sagutin ng alkalde ang mga tanong, sinabi ni Taberna na naibahagi sa kanya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na inalok ang pinakamataas na posisyon sa PhilHealth kay Lacuna subalit magalang itong tinanggihan ng alkalde.
Sinabi pa ni Taberna na ang tiwalang ipinagkaloob ng ina ng Pangulo sa kanyang ama na si dating vice mayor Danny Lacuna katulad din ng tiwala ng Pangulo sa kanya.
Kinumpirma naman ng alkalde na may nangyaring ganoong pag-uusap sa pagitan nila ni Pangulong Marcos.
Pinahalagahan naman ng alkalde ang ginawang pagkilala ni Pangulong Marcos sa kanyang ama sa naging kontribusyon sa serbisyo publiko.