Mayor Honey tatalima sa TRO ng Korte Suprema sa NCAP

August 31, 2022 Edd Reyes 102 views

NAGLABAS ng kautusan si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na magtalaga ng mas maraming bilang ng traffic enforcers sa lansangan makaraang pigilin ng Korte Suprema sa inilabas ng temporary restraining order (TRO) ang implementasyon ng Ordinansa ng Lungsod kaugnay sa “No Contact Apprehension Program” (NCAP).

Sa kabila ng ginawang pagtalima sa kautusan ng mataas na hukuman, ipinaliwanag pa rin ni Mayor Honey ang benepisyong naidudulot ng NCAP sa mga residente, pedestrians, at motorista kasabay ng pahayag na batay sa napakaraming datos, lubhang naging epektibo ang pagpapatupad ng NCAP upang bumaba ang mga lumalabag sa batas-trapiko, pati na rin ang pagkakaroon ng disiplina ng mga motorista na dahilan upang lumuwag ang daloy ng trapiko sa mga lansangan sa lungsod.

“Bagamat naniniwala tayo na maraming magandang nadulot ang NCAP sa daloy ng trapiko at pagsasaayos ng disiplina sa ating lungsod, ang Pamahalaang Lungsod ay susunod sa alituntunin ng Korte Suprema at handa sa pagpapahinto ng NCAP sa Maynila,” pahayag ng alkalde.

Ipinaliwanag niya na batay sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na inilabas ng Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMARAS) sa kanilang taunang ulat kaugnay sa kaligtasan sa lansangan, bumaba ng 47 porsiyento noong 2021 ang mga nasasawi at nasusugatan na sanhi ng aksidente sa lansangan matapos na maipatupad ang NCAP sa Maynila.

Sa datos naman ng Manila Police District (MPD), lumabas na bumaba sa 62 porsiyento ang naitalang aksidente sa lansangan nang ipatupad sa Maynila ang NCAP habang bumaba rin ang mga lumalabag sa batas-trapiko ng 90 porsiyento batay sa araw-araw na naitala ng mga nakakabit na traffic camera.

Dahil dito, sinabi ni Mayor Honey Lacuna na patunay lamang ito na tagumpay ang implementasyon ng NCAP sa lungsod para sa pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko, naiiwasan ang matinding trapiko sa mga lansangan, nababawasan ang bilang ng mga nasusugatan o nasasawi dulot ng mga aksidente at nababawasan pa ang mga pasaway na motoristang lumalabag sa batas-trapiko

“The evidence shows that NCAP keeps traffic flowing smoother and faster, and keeps motorists, bicycle users, and pedestrians safe on the city roads and streets,” sabi pa ng alkalde.

“Most importantly, the abundance of data shows that the NCAP is quite effective in keeping city traffic smooth and efficient while also protecting the safety of pedestrians and motorists. Nevertheless, we are prepared to comply with the Supreme Court’s TRO while also taking measures to benefit all stakeholders even while NCAP is suspended,” dagdag pa niya.

Tiniyak ni Mayor Lacuna sa mga mamamayan at motorista na kahit suspendido ang NCAP, magpapatuloy ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa kanilang mahigpit na pagpapatupad ng batas-trapiko upang mapanatili ang kaayusan, disiplina at kaligtasan sa mga lansangan ng lungsod.

AUTHOR PROFILE