Default Thumbnail

Mayor Honey sa mga Manila employees: Magpa-ECG

February 13, 2023 Edd Reyes 297 views

HINIKAYAT ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na magtungo sa City Government Employees Clinic (CGEC) at magpasailalim sa electrocardiogram o ECG bilang handog ng Manila Health Department (HD) sa pagdiriwang ng Healthy Heart Month.

Ini-anunsiyo ng alkalde ang panawagan matapos ang regular na pagpupugay sa watawat Lunes ng umaga sa Kartilya ng Katipunan na dinadaluhan ng mga kawani at opisyal ng lokal na pamahalaan bago ang panibagong araw na pagsisimulang muli ng isang linggong pagta-trabaho at pagkakaloob ng paglilingkod sa mamamayan.

“Yun pong mga City Hall base employees ay maaaring tumungo sa CGEC, sa ating clinic diyan po sa ground floor upang magpa-ECG. Ito po ay bukas sa lahat ng ating mga empleyado, 40 anyos pataas, lalung lalu na po, hinihikayat naming magpa-ECG yung may mga comorbidity para malaman ninyo kung tama pa ang pagtibok ng inyong mga puso,” pahayag ng alkalde.

Ang pagsisimula ng pagkakaloob ng ECG para sa mga kawani ng lokal na pamahalaan ay magsisimula sa mismong Araw ng mga Puso, Pebrero 14, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon at magtatagal hanggang Pebrero 17.

“Sana magtungo kayo, magpa-check up kayo. 100 po bawa’t araw ang ike-cater ng ating magpapa-ECG kaya hinihikayat ko po ang lahat ng ating mga empleyado na tumungo sa CGEC office,” pakiusap pa ni Mayor Honey Lacuna-Pangan.

“Paalala ko rin po, patuloy pa rin ang ating MayniLOVE, dyan sa Mehan Garden. Ito ang ating paraan to support local products, buy local, eat local, support local. Ipasyal nyo po ang inyong mga pamilya. Marami pong gimmick dyan sa Mehan Garden in celebration of the month. Ito’y magtatagal muli hanggang Feb. 17,” dagdag pa ng alkalde.

Nauna rito, binigyang pugay ng alkalde ang mga kawani ng pamahalaan na hindi lamang nag-aalay ng pagmamahal sa kanilang mga mahal sa buhay sa selebrasyon ng Valentine’s Day, kundi nagpapakita rin ng wagas at wastong pagmamahal sa kanilang trabaho.

Kabilang aniya rito ang mga kawani ng Engineering Office, Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at lalung-lalu na ang Department of Public Service (DPS) na kasalukuyang nasa pangangasiwa ni Kayle Nicole Amurao bilang Officer-in-Charge.

“Sa sobrang pagmamahal po nila sa kanilang tungkulin, karamihan po, sumusulong pa sa ating mga ilog, estero at doon sa Baseco Beach. Kaya palakpakan naman po natin ang ating mga Estero Rangers, Baseco Beach Warriors, ang ating mga magdaragat. Yan po ay patunay na ang pagmamahal, hindi lamang po maipapakita sa pagmamahal sa ating kapuwa kundi pati na rin sa ating tungkulin,” pahayag ng alkalde.

AUTHOR PROFILE