Default Thumbnail

Mayor Honey pinasinayaan ang pagpapailaw sa Sta. Mesa

October 14, 2022 Edd Reyes 274 views

TINIYAK ni Manila Mayor Maria Shiela “Honey” Lacuna-Pangan na kanyang paiilawan ang mga madidilim na lansangan sa buong lungsod upang makatulong sa pagsugpo ng krimen at aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorista at pedestrians.

Ipinahayag ito ng alkalde nang pangunahan niya, kasama si Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang pagpapailaw sa kahabaan ng Lubiran Street mula Bacood Park hanggang sa Bacood Street sa Sta. Mesa, Huwebes ng gabi.

“Bagama’t napakatiwasay po ng ating komunidad dito sa Bacood, kaya nga po tinatawag tayong ‘Model Community’, ay ninais pa rin po nating mailawan ang buong stretch ng Bacood upang makaiwas po tayo sa kahit ano pa pong uri ng aksidente sa lansangan dahil marami pong trak na kadalasan ay nagdaraan dito,” pahayag niMayor Lacuna-Pangan sa kanyang maikling pananalita.

Binanggit din ng alkalde ang pagiging masigasig ni City Electrician Engr. Randy Sadac sa paglalagay ng kabuuang 48 na mga poste ng ilaw na nilagyan ng 200watt na LED lights sa Lubiran Street matapos itong mapondohan ng Pamahalaang Lungsod.

Ayon kay Engr. Sadac, mayroon silang inilagay na selyo ng Lungsod ng Maynila sa pinakapatungang bahagi ng poste na palatandaang proyekto ito ng Pamahalaang Lungsod.

Bago naman tapusin ni Mayor Lacuna-Pangan ang kanyang maikling pananalita, sinabi niya na inatasan na niya si Engr. Sadac na asikasuhin na ang susunod niyang proyektong pagpapailaw sa kahabaan ng A.H. Lacson Avenue sa Sampaloc.

“Ang susunod po natin dito ay ang kahabaan ng Lacson Avenue. Umasa po kayo na ang inyong Pamahalaang Lungsod ay lagi pong gagawa ng mga programa at proyekto na sa tingin po namin ay malaki ang maitutulong sa ating mga kababayan,” banggit pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

Kasama ng alkalde at bise alkalde sa pagpapa-ilaw sa Lubiran Street sina 6th District Councilors Philip Lacuna, Lou Veloso, Fog Abante, Caloy Castañeda, at ang kinatawan ng ika-anim na Distrito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na si Congressman Benny Abante.

AUTHOR PROFILE