Mayor Honey pinarangalan si EJ Obiena

October 3, 2022 Edd Reyes 111 views

BUMISITA sa tanggapan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan Lunes ng umaga ang Olympian pole vaulter at “Batang Tondo” na si Ernest John “EJ” Obiena upang magbigay-pugay kasabay ng ginawang pagpapasa ng apat na resolution ng Sangguniang Panlungsod bilang pagkilala sa kanyang kahanga-hangang kakayahan.

Iprinisinta ni Mayor Honey Lacuna kay EJ ang ipinasang resolusyon ng mga miyembro ng Sangguniang Panglunsod dahil sa kanyang ibinigay karangalan, hindi lamang sa mga Manilenyo bilang isang batang Tondo, kundi sa buong bansa, matapos ang ginawang pagpupugay sa watawat na ginanap sa Bulwagang Antonio Villegas sa loob ng Manila City Hall.

Ang pinakahuling tagumpay ng bantog na Filipino pole vaulter ay nang masungkit niya ang gintong medalya sa men’s pole vault competition na ginanap sa St. Wendel City, Germany noong nakaraang buwan na pang-anim na gintong medalyang kanyang nakamit sa loob lamang ng isang buwan.

“Alam niyo po, hindi natin masukat ang karangalang dinala ni EJ sa ating bansa lalo na sa Lungsod ng Maynila at recently po ay ginawaran na rin natin siya bilang isa sa mga “Outstanding Manilans” sa nakalipas na pagdiriwang ng Araw ng Maynila,” pahayag ng alkalde sa kanyang pagsasalita.

Idinugtong pa ng alkalde na bukod sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), ang mga atletang Pinoy, tulad ni EJ, na nag-uwi ng napakaraming karangalan sa bansa ay maituturing din bilang mga bagong bayani.

Ini-anunsyo rin ng alkalde na tatanggap din si Obiena ng halagang P300,000 mula sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila bilang insentibo sa kanyang dinalang karangalan sa lungsod.

AUTHOR PROFILE