Mayor Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan

Mayor Honey, pinangunahan paglulunsad ng Padre Burgos monument

June 19, 2023 People's Tonight 209 views
Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan
Pinasinayaan nina Manila Mayor Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan (kanan) at SK Anthony P. Nazario Vice Supreme Master of Ferdinand Magellan Province ang pagbabasbas at pagbubunyag sa marker at monumento ni Padre Jose Burgos, sa P. Burgos Ave., Ermita at binigyan ni Joey B. Lat ng isang memorabilia si MPD chief PBGen. Andre P. Dizon. Kuha ni JON-JON REYES

PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang pagbabasbas, pag-alis ng talukbong at pagbubukas ng tabing sa marker ng bantayog ng bayaning si Padre Jose Burgos na ginanap sa P. Burgos Avenue, Ermita, Lunes ng umaga.

Sa kanyang pagsasalita, sinabi ng alkalde na ang paglalagay ng mahalagang monumento ni Padre Burgos ay paggunita sa kanyang naging bahagi sa pakikibaka laban sa mapanupil na mananakop noong kanyang kapanahunan.

“Ang kanyang kamatayan sa pamamagitan ng garote, kasama sina Padre Mariano Gomez at Padre Jacinto Zamora, ay nagsilbing inspirasyon din sa ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal sa pagsulat niya ng El Filibusterismo,” pahayag pa ng alkalde.

Pinasalamatan din ng lubos ni Mayor Lacuna-Pangan ang pagsisikap na ginawa ng mga opisyal at kasapi ng Padre Burgos Assembly of the 4th Degree Knights of Columbus upang magkaroon ng aniya ay nauukol na pag-alala kay Padre Jose Burgos.

“Sa Diyos at bayan, alay din natin ang lahat ng ating mga gawain,” sabi pa ng alkalde bago tapusin ang kanyang maikling talumpati.

Kabilang sa may malaking ambag para sa pagpapatayo ng bantayog ni Padre Jose Burgos sina Grand Knights of Columbus Joey Balerite Lat at Vice Supreme Master 4th Degree Magellan Province Sir Knight Anthony Nazario, sa pakikipag-ugnayan na rin kay Intramuros Administrator Atty. Joan Padilla habang kabilang din sa mga dumalong panauhin si Manila Police District (MDP) Director P/BGen. Andre P. Dizon.

Nauna rito’y nagtungo muna si Mayor Lacuna-Pangan, kasama si Dizon, sa bantayog ni Jose P. Rizal sa Luneta Park upang mag-alay ng bulaklak kaugnay sa paggunita sa ika-162-taong kapanganakan ng pambansang bayani.

AUTHOR PROFILE