Default Thumbnail

Mayor Honey pinangunahan pagbubukas ng ‘MayniLove’

February 7, 2023 Edd Reyes 224 views

PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang engrandeng pagbubukas ng “MayniLove” nitong Lunes ng gabi makaraang buksan ito sa publiko noong nakaraang Biyernes sa Mehan Garden.

Ang naturang proyekto, na noon pa pinasimulan nina dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at ka-tandem na dating Vice Mayor at ngayon ay alkalkde na si Lacuna-Pangan ay bilang handog ngayon buwan ng mga puso, hindi lamang sa magsing-irog, kundi sa lahat ng mga nagmamahalan.

Ayon sa alkalde, nakagawian na, hindi lamang sa Maynila kundi sa buong mundo, na damahin ang pagmamahalan kapag sumasapit ang buwan ng Pebrero, kung saan ipinagdiriwang ang Araw ng mga Puso o Valentine’s Day tuwing Pebrero 14.

“Ito ang araw o panahon na ipinadadama natin ang pag-ibig sa isa’t-isa, ito man ang pag-ibig sa pagitan ng mag-asawa, magsyota, pagmamahalan sa pagitan ng anak at ng mga magulang, pagmamahalan sa pagitan ng mga magkakaibigan at pagmamahal para sa sambayanan at sangkatauhan. Pero siyempre, dapat ay ating isipin muna ang pagmamahal sa ating sarili upang magawa nating mahalin ang ibang tao,” pahayag ng alkalde sa kanyang pagsasalita.

Sinabi ng alkalde na ang MayniLove, na nasa ilalim ng Manila Supports Local, ay isang proyekto na pinangungunahan ng Bureau of Permits na nagbibigay ng pagkakataon para sa mga Manilenyo na magdiwang ng buwan ng puso sa loob ng Mehan Garden upang saksihan at damahin ang mga masasayang kaganapan.

Bahagi rin aniya ng layunin ng lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng proyektong MayniLove na matulungan ang mga maliliit na negosyante na makabangon mula sa matinding epektong dala ng pandemiyang dulot ng COVID-19.

“Ito rin po ay isang pagkakataon na ibinibigay natin para sa ating mga maliliit na negosyante, micro, small, medium enterprises na sila po ay makapagsimula ng negosyo at mai-promote ang kanilang mga produkto,” sabi pa ng alkalde.

“Kaya naman po sa mga nakasubaybay ngayon, o nakikinig o nandirito sa Mehan Garden, kayo po ay aming inaanyayahan na sana ay suportahan natin itong MayniLove, Na sana lahat ng mga kapwa natin Manilenyo maging ang ating mga kapitbahay o malapit dito sa Maynila ay tumungo dito sa Mehan Garden upang suportahan ng MayniLove,” panawagan pa niya.

Ang proyektong MayniLove sa Mehan Garden ay bukas sa publiko ng walang bayad mula alas-4 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi na tatagal hanggang Pebrero 17.

AUTHOR PROFILE