Default Thumbnail

Mayor Honey: Pabakunahan mga anak vs rubella, tigdas, polio

April 30, 2023 Edd Reyes 162 views

HINIMOK ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak na may edad na mula siyam hanggang 59- na buwan laban sa rubella at tigdas habang ang mga bagong panganak naman hanggang limang taon ay mabigyan ng oral polio vaccine upang maiwasan ang pagkalat ng outbreak.

Sinabi ng alkalde na inilunsad na ng Manila Health Department (MHD) sa Baseco Covered Court sa Baseco Compound noong Biyernes ang Chikiting Ligtas sa Dagdag Bakuna Kontra Polio, Rubella at Tigdas kaugnay na rin sa pagdiriwan ng World Immunization Week 2023 na may temang “The Big Catch Up”.

“Ano po ba ibig sabihin ng Catch up? Kung natatandaan nyo, noong panahon ng pandemya, sarado ang lahat, pati po ang ating mga health centers kaya marami ang hindi mga nakapagpabakuna,” pahayag ng alkalde.

Dagdag pa ng alkalde, target ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na makapagpabakuna ng 80 porsiyento sa unang aaraw ng pagtuturok upang mapanatili ang pangunguna sa mga ganitong uri ng programa.

“So ngayon po, hinahabol natin yung bakunahan natin, sa measles o sa tigdas, kailangang makapagpabakuna tayo ng 139,731 na mga bata at siyempre yung mapapatakan ng oral polio, 164,290, parang two in one na po yan, injection tapos patak” paliwanag pa ng alkalde

Hinimok din niya ang mga magulang na payagan ang mga tauhan ng Manila Health Department (MHD) na mag-iikot sa mga bahay-bahay na papasukin ang mga ito upang mabakunahan ang kanilang mga anak na siyam na buwan hanggang limang taong gulang laban sa tigdas, rubella at polio.

“After a few weeks po or pagdating po ng April 30, maga-update po kami sa inyo kung ilan na po ang nababakunahan namin. Again po sana pabakunahan nyo po ang inyong mga anak kasi po para ma-reach natin ang target, sa measles po sa isang araw, dapat nakaka-170 na mga bata ang mabakunahan ng isang health center, tapos sa polio naman nasa 200 ang napapatakan nila sa isang sa isang health center,” paliwanag pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE