Lacuna

Mayor Honey nagpatupad ng liquor ban sa Sto. Niño fiestas

January 12, 2023 Edd Reyes 678 views

Lakbayaw sa Tondo, Buling-buling sa Pandacan kanselado

NILAGDAAN ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan nitong Huwebes ng hapon ang isang kautusan na nagbabawal sa pagbebenta ng lahat ng uri ng inuming nakalalasing sa mga lugar na sakop ng kapistahan ng Poong Sto. Niño sa Tondo at Pandacan.

Sa dalawang pahinang Executive Order (EO) No. 3 Series of 2023 na inilabas ng Office of the Mayor, nakasaad na ang pagbabawal sa pagbebenta ng alak at iba pang uri ng inuming nakalalasing sa mga lugar sa Tondo at Pandacan ng sakop ng kapistahan ng Sto. Niño ay lubhang kinakailangan upang maitaguyod ang katahimikan at kaayusan sa lungsod sa panahon ng pagdiriwang ng kapistahan na ipatutupad mula Enero 14 hanggang Enero 15, 2023.

Inatasan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang buong puwersa ng Manila Police District (MPD) at iba pang law enforcement officers na mahigpit na ipatupad ang ordinansa sa panahong nakasaad sa naturang kautusan.

Ang Tanggapan ng Pangulo sa Malacañang Palace ay pagkakalooban din ng kopya ng inilabas na kautusan ng alkalde batay na rin sa Section 455 ng Local Government Code of 1991.

Samantala, kinansela muna ang tradisyunal na “Lakbayaw” sa pista ng Tondo. Ito ay isang prusisyon ng mga deboto na kung saan ay may dalang imahe ng batang Hesus at sumisigaw ng “Viva Sto. Niño!”

Ayon sa direktiba ni MPD Director Police Brigadier Gen. Andre P. Dizon kay P/Lt. Harry Ruiz Lorenzo lll, commander ng MPD Moriones Police Station (PS) 2, P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., commander ng Raxabago PS 1, at P/Lt. Col. Jonathan Villamor, ng Jose Abad Santos PS 7 na nakakasakop sa pagdiriwang ng pista ng Sto. Niño sa Tondo, na pag-ibayuhin ang seguridad upang mayapang maisagawa ang nasabing okasyon.

Ayon kay Dizon, tanging mga “motorcade” lamang ng mga deboto ang pinapayagan isagawa para sa pagpaparada ng imahe ng Sto. Niño.

Hindi muna isasagawa ang “Lakbayaw,” base na rin sa napag-usapan ng pulisya at ng pamunuan ng Sto. Niño Chuch.

Kaugnay sa nasabing selebrasyon, ilang kalsada ang kakailanganing isara sa motorista bago at sa mismong araw ng kapistahan.

Iniutos din ng MPD director na ang “liquor ban” ay mahigpit ding ipatutupad.

Sa Pista ng Sto. Niño naman sa Pandacan, inabisuhan din si P/Lt. Col. Maria Agbon, commander ng Pandacan PS 10, na wala munang magaganap na “Buling-buling” na tradisyong pagsusuot ng mga taga-Pandacan ng mga damit mula sa panahon ng Espanyol at sumasayaw kasabay ng tugtugin bilang pasasalamat. NINA EDD REYES AT JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE