Mayor Honey nagpasalamat sa mga kawani, opisyal sa pagpasok ng 2023
TAOS-pusong pasasalamat ang naging sentro ng pananalita ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa ginanap na unang pagpupugay sa watawat ng Pilipinas Martes ng umaga sa bandana ng Kartilya ng Katipunan.
“Ako po ay personal na nagpapasalamat sa inyong lahat sa nakaraang taong 2022, sa lahat ng pagtitiwala at suportang ibinigay ninyo sa akin at sa ating lahat. Kung wala po kayo, siguro, hindi po magiging maganda ang ating 2022,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.
Inamin ng alkalde na hindi niya kayang mag-isa na matugunan ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng Pamahalaang Lungsod kung walang tulong at suporta ng mga opisyal at kawani ng local na pamahalaan.
“Kailangan po namin kayo ngayong 2023. Ang akin pong dalangin ay sana, makasama ko pa rin po kayo nang sa gayon po, tuloy-tuloy ang lahat ng mga programa at proyekto na ipinatutupad ng ating pamahalaan at tuloy-tuloy nating maisaayos ang pamumuno ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila,” dagdag pa ng alkalde.
Nagpahayag din ng paniniwala ang alkalde na naging masaya ang lahat ng mga kawani dahil nagkaroon aniya ang mga ito ng pagkakataong makasama ang kanilang buong pamilya sa nakalipas na Kapaskuhan kaya’t ngayon naman ang panahon upang salubungin ang Bagong Taon ng panibagong pag-asa, panibagong pagkakataon na magampanan ng tapat, malinis, at wastong paglilingkod na sang-ayon sa mandatong ipinagkaloob ng batas sa kanila.
“Muli po, maraming-maraming salamat sa inyong lahat, mula sa pamilya Lacuna at pamilya Pangan, ang akin pong taos-pusong pasasalamat sa inyong lahat. Maligayang-maligayang Bagong Taon po sa lahat po sa atin,” pagtatapos pa ng pananalita ni Mayor Lacuna-Pangan.