Mayor Honey nagpasalamat sa donasyong watawat

September 12, 2022 Edd Reyes 76 views

PINAALALAHANANG muli ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang mga opisyal at kawani ng Manila City Hall na gawin ang lahat ng kanilang makakaya bilang mga serbisyo-publiko kasabay ng paalala na isa-isip at isa-puso ang pagmamahal, hindi lamang sa watawat ng Pilipinas kundi sa buong bansa.

Ang paalala ng alkalde ay kanyang inilahad sa ginanap na pagpupugay sa watawat nitong araw ng Lunes, matapos ang pamamahagi ng bandila ng pribadong kompanya na Ayala Foundation at Chooks to Go, kasama ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa Liga ng Mga Barangay sa pangunguna ni Councilor at Pangulo ng Liga na si Leilani Marie Lacuna at Division of City Schools Superintendent Dr. Maria Magdalena Lim.

Pinasalamatan naman ni Mayor Honey ang Ayala Foundation na kinakatawan ng pangulo nito na si Ruel Maranan, si Chooks to Go President Ronald Mascarinas at ang Chairman ng NHCP Rene Escalante sa pagkakaloob ng mga bagong watawat sa ilalim ng kampanyang “Maging Magiting” na inilunsad ng naturang foundation noong taong 2018.

Sa kanyang maikling talumpati, sinabi ni Mayor Honey na tuwing araw ng Lunes ay nanunumpa silang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan sa watawat ng Pilipinas upang ipadama at ipakita ang pagrespeto at pagmamahal sa bansa.

“Sana po hindi lamang ito nangyayari tuwing araw ng Lunes. Mas mahalaga po na isabuhay natin ang panunumpang ginagawa natin sa ating bandila bilang simbolo ng ating bansa,” pahayag ni Mayor Honey.

Sa kanya namang panig, sinabi ni Maranan na nais niyang pasalamatan ang alkalde, sa ngalan ng Ayala Foundation at ng buong Ayala Group of Companies, sa palagiang pagbubukas ng mga pintuan ng Lungsod ng Maynila na may kinalaman sa pagiging katuwang sa maayos at mabuting pagseserbisyo sa mga kapwa Manilenyo.

Ang 15,000 watawat na kanila aniyang naipamahagi mula noong 2018 ay sumisimbulo lamang sa bilang subalit sa likod nito ay ang buhay ng mga taong tumutupad sa kanilang tungkulin, lalo na ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan na tulad ng mga taga-City Hall ng Maynila bilang mga serbisyo publiko, ang tunay na nagbibigay kahulugan sa buhay ng bawat tao.

Sinabi naman ni NHCP Chairman Rene Escalante na ang komisyon, bilang ahensiya ng pamahalaan na nagpapatupad ng batas sa ilalim ng R.A. 8491 o ang ‘Flag and Heraldic Code of the Philippines” ay nagpasiyang makipag-partner sa malalaking kompanya tulad ng Ayala Foundation at Chooks to Go upang mapalitan ang mga luma at sira ng mga watawat na iwinawagayway sa bawat tanggapan ng pamahalaan.

“Hindi po ganoon kalaki ang nakalaang pondo sa NHCP para palitan ng regular itong ating mga watawat at marahil, ito rin po ang problema ng ilang mga LGUs [local government units], kaya sa nakaraang apat o limang taon na ang nakalipas, nagkakaroon po ng programa ang Ayala Foundation at Chooks to Go, umiikot po sila sa ibang rehiyon hanggang Mindanao upang mamahagi ng bagong watawat,” pahayag pa ni Escalante sa kanyang pagsasalita.

AUTHOR PROFILE