Default Thumbnail

Mayor Honey naglabas ng mga kautusan para sa Pista ng Itim na Nazareno

January 5, 2023 Edd Reyes 214 views

UPANG bigyang daan ang pakikilahok ng mga deboto sa mga aktibidad na may kaugnayan sa Pista ng Itim na Poong Nazareno, iniutos ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang suspensiyon ng klase sa lahat ng antas, pribado man o pampubliko sa Lunes, Enero 9 habang ipinagbawal din ang pag-inom ng anumang uri ng nakalalasing na inumin mula sa araw ng Sabado hanggang Lunes.

Sa kanyang inilabas na Executive Order (EO) No. 1, Series of 2023 Miyerkules ng gabi, nakasaad ang pangangailangan ng pagsuspinde sa trabaho ng lokal na pamahalaan upang hindi lumabis ng husto ang sobrang dami ng tao sa mga aktibidad na may kaugnayan sa pagdiriwang ng kapistahan maliban na lamang sa mga kawani na kabilang sa mga nagkakaloob ng serbisyo tulad ng mga frontliners, traffic enforcers, mga nagpapatupad ng kaayusan at katahimikan, mga tauhan ng Risk Reduction Management, at mga naglilingkod sa serbisyong pangkalusugan.

Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas ng paaralan, pribado man o pampubliko maging in-person o online upang bigyang pagkakataon ang mga magulang at estudyante sa mga paaralan sa lungsod na lumahok sa aktibidad na may kaugnayan sa relihiyon.

Sinabi ni Mayor Lacuna-Pangan na ang suspensiyon ng trabaho sa tanggapan ng Pambansang Pamahalaan at pribadong kompanya sa Lungsod ng Maynila ay nasa pagpapasiya na ng kanilang tagapamahala bagama’t hinihimok niya ang mga pribadong kumpanya na suspendihin ang kanilang trabaho sa Enero 9 para na rin sa kapakanan ng kanilang mga kawani.

Kasabay nito’y inilabas din ng alkalde ang EO No. 2 Series of 2023 na nagbabawal sa pagbebenta at pag-inom ng lahat ng uri ng nakalalasing na inumin sa mga barangay na sakop ng Distrito ng Quiapo bilang hakbang sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa panahon ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Poong Nazareno mula Enero 7, araw ng Sabado hanggang Lunes, Enero 9, 2023.

Inatasan na rin ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang puwersa ng Manila Police District (MPD) sa pamumuno ni District Director Police Brigadier Gen. Andre Dizon na mahigpit na ipatupad ang umiiral na City Ordinance No. 555 na nagbabawal sa pag-inom ng alak at iba pang nakalalasing na inumin sa pampublikong lugar tulad ng mga lansangan at eskinita.

AUTHOR PROFILE