Lacuna Pinangunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon kasama ang buong pwersa ng kapulisan ng Maynila ang paglulunsad ng ‘Seen, Appreciated, Felt, and Extraordinary’ (SAFE) Program Manila na ginanap sa Luneta Grandstand, Lunes ng umaga, Araw ng mga Bayani o ‘National Heroes’ Day 2022. Kuha ni Jon-jon Reyes

Mayor Honey, MPD chief Dizon, pinangunahan ang paglulunsad ng ‘SAFE Manila’

August 29, 2022 Edd Reyes 221 views

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan at Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Andre P. Dizon ang paglulunsad ng Oplan “SAFE Manila”, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani, Lunes ng umaga sa Qurino Grandstand sa Ermita, Maynila.

Sinabi ni Dizon na ang SAFE na ang kahulugan ay “Seen, Appreciated, and Felt by the people through Extraordinary actions” ay hindi lamang pagtalima sa kautusan ng programa ng regional director na gawing ligtas ang Kamaynilaan kundi pangako at suporta rin nila ito sa programa ni Mayor Honey Lacuna na maging tahimik at maayos ang Lungsod ng Maynila.

Sa inilunsad na programa, sinamahan si Mayor Honey ang mga pangunahing opisyal ng pulisya ng MPD sa pangunguna ni BGen. Dizon, kasama ang mga commanders ng police stations at police community precincts (PCPs) sa pagsusuri at pag-alam sa kondisyon at kapasidad ng 84 na mobile patrol cars at 46 na motorsiklo ng puwersa ng MPD na naka-linya sa Independence Road sa harapan ng Quirino Grandstand.

“Ang activity po natin na ito ay ang ating pagpapakita sa ating mahal na Mayor ng estado at kalagayan ng ating mga mobile vehicles kung saan siya ay magkakaroon ng assessment kung paano tayo iga-guide, isu-support sa ating united commitment, united effort on keeping Manila safe and free from bad elements,” pahayag ni Dizon.

Sa kanya namang pagsasalita, buong pusong nagpasalamat si Mayor Honey Lacuna sa halos 5,000 puwersa ng unipormado at hindi unipormadong opisyal at tauhan ng MPD sa kanilang tapat na pagmamalasakit at pagmamahal sa mamamayan ng lungsod sa pamamagitan ng pagpapakita ng dedikasyon at taos-pusong pagsisikap na matiyak na buong araw at gabing ligtas at may proteksiyon ang mamamayan.

“Ang presensiya ninyo sa mga paaralan nitong mga nakaraang linggo ay tunay na kapansin-pansin at talagang nabigyan ng pagpapahalaga ng marami sa ating mga mag-aaral at magulang, bagay na nais kong ipakiusap na panatilihin pa rin ninyo ang regular na pagtatalaga ng mga pulis sa mga lugar na iyon. Ibig ko rin kayong pasalamatan, ang ating mga station commanders, mga PCP commanders na walang tigil sa pagpaparating sa kanilang mga ulat sa mga kaganapan sa kanilang mga nasasakupan sa iba’t-ibang sulok ng ating lungsod,” dagdag pa ng alkalde.

Nabanggit din ng alkalde sa kanyang pagsasalita na habang naglalakad sila at sinusuri ang mga mobile patrol cars at motorsiklo, ibinulong sa kanya ni MPD chief Dizon ang kakulangan pa rin ng kanilang mobile patrol at motorsiklo para sa pagpapatrolya sa may 896 na barangay sa lungsod.

“Hayaan po ninyo, ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay hindi po natutulog, lagi po kaming nakaalalay sa inyo at hanggang sa amin pong makakayanan, ay ibibigay po namin ang lahat ng inyong pangangailangan,” sabi pa ng alkalde.

Ini-anunsiyo rin ng alkalde na ang buwanang allowance para sa tatlong magkakasunod na buwan sa halos 5,000 puwersa ng MPD ay nalagdaan na at posibleng maipamahagi na sa susunod na linggo.

Sa pagtatapos ng kanyang pagsasalita, pinaalalahanan ng alkalde ang kapulisan na ang mabuting lipunan ay nailalarawan hindi lamang ng kalayaan kundi ng paggalang sa isa’t-isa at pananagutan.

“Kapag nasira ito, kailangan ng higit pa kaysa sa mga opisyal ng pulisya upang ayusin ang mga bagay-bagay, kaya’t inaasahan ko ang ating malinaw at maayos na ugnayan at pagtutulungan,” ani Mayor Honey.

Bilang paggunita rin sa National Heroes’ Day 2022, nagpakita ng suporta ang mga station commanders sa nasabing programa kabilang sina P/Lt. Col. Gene Licud Station (Stn.) 1; P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo Stn. 2; P/Lt. Col. Jonathan Jojo Villamor Stn. 3; P/Lt. Col. Cristito Acohon, Stn. 4; P/Lt. Col. John Guiagui Stn. 5; P/Lt. Col. Orlando Mirando Stn. 6; P/Lt. Col. Robert Domingo Stn. 7; P/Lt. Col. Deonelle Brannon Stn. 8; P/Lt. Col. Salvador Tangdol Stn. 9; P/Maj. Dino Venturina Stn. 10; P/Lt. Col. Magno Gallora Jr. Stn. 11; P/Lt. Col. Jay Doles Stn. 12; P/Lt. Col. Rodel Borbe Stn. 13; at P/Lt. Col. Ramon Nazario Stn. 14. Nina Edd Reyes at Jon-jon Reyes

AUTHOR PROFILE