Lacuna

Mayor Honey: Manila no expenses sa 1-month Araw ng Maynila celeb

June 25, 2024 Edd Reyes 132 views

HINDI halos nagalaw ang pondo ng Maynila sa kabila ng isang buwang pagdiriwang ng ika-453 na taong anibersaryo ng Araw ng Maynila noong Hunyo 24, ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan.

“Gusto ko lang po na ipaalam sa inyo na halos wala po tayong ginastos galing sa kaban ng ating lungsod. Ang lahat po ng ating ginamit dahil po sa mga kaibigan at sumusuporta at naniniwala sa ating pamahalaan.

Kaya maraming-maraming salamat po sa mga pribado na indibiduwal at korporasyon na naging ka-partner natin sa pagdiriwang ng Araw ng Maynila,” pahayag ng alkalde.

Ayon kay Mayor Honey, nang simulan nila ang pag-uusap kaugnay na preparasyon ng pagdiriwang ng Araw ng Maynila hindi sumagi sa kanilang isipan na kakayanin nila ang isang buwang pagdiriwang subalit dahil aniya sa pagsisikap at pagtutulungan ng lahat, napagtagumpayan nila ang isang buwang pagdiriwang.

Binanggit din ng alkalde na kabilang sa pagpapatuloy ng pagdiriwang ng Araw ng Maynila ang ground breaking para sa Gov. Benjamin T. Romualdez Cancer Center sa Ospital ng Maynila Martes ng hapon.

“Bakit Center? Kasi all-in na, ibig sabihin parang isang one-stop shop na kung saan bibigyan nating pagpapahalaga ang prevention, ang paggagamot, pati na rin ang pag-aaral o research para sa isa sa mga pinakamalala o pinakamabigat na suliraning pang-kalusugan, hindi lamang dito sa ating bansa, kundi sa buong mundo,” sabi pa ng alkalde.

Pinasalamatan ng alkalde si House Speaker Martin Romualdez sa pagkakaloob ng pondo para sa pagtatayo ng Center matapos itong hilingin ni 5th District Congressman Irwin Tieng.

AUTHOR PROFILE