Mayor Honey: Magbayad ng amilyar ng maaga
HINIMOK ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang mga nagmamay-ari ng bahay at lupa sa lungsod na magbayad ng maaga ng kanilang amilyar upang makakuha ng malaking diskuwento bago dumating ang unang araw ng Marso sa susunod na taon.
Ipinaliwanag ng alkalde na ang mga may-ari ng bahay at lupa na magbabayad ng kanilang amilyar bago dumating ang Disyembre 10 ay makakakuha ng 20 porsiyentong diskuwento, ang magbabayad ng mula Disyembre 11 hanggang 29 ay mayroon 15 porsiyentong diskuwento habang ang magbabayad naman ng mula Enero1 hanggang katapusan na naturang buwan ay may 10 porsiyento.
“So, kung gusto pa ninyo na mas malaki ang diskuwento na makukuha ninyo sa pagbabayad ng inyong real property tax, I suggest na mas maaga po sa December 10 kayo magbayad,” paghihimok pa ng alkalde.
Bukod sa maagang pagbabayad ng amilyar, hinikayat din ng alkalde ang mga may-ari ng bahay at lupa sa Maynila na magbayad ng kanilang Real Property Tax o RPT sa pamamagitan ng online sa halip na mano-mano o sa mismong City Hall dahil sa pamamagitan ng makabagong paraan, madaling makukuha ng mga nagnanais magbayad ang kanilang statement of account (SOA), maging ang kanilang pagtasa at pagtaya sa halaga ng kanilang ariarian, pati na rin sa pagbabayad nito.
“Pag online kasi, mas mabilis na, provided na maalam kayo sa paggamit ng inyong mga cellphone o mga gadgets ninyo, Ipad o computer ninyo, mas madali na po talaga kumpara sa manual,” sabi pa ng alkalde.
Ipinaliwanag niya na kung mano-mano o magtutungo pa sa City Hall ang mga magbayayad, uubos sila ng mahabang panahon dahil kailangan pa nilang bumiyahe at gumastos sa pasahe.
Pagdating aniya sa City Hall, kailangan pa nilang magtanong kung saan puwedeng makuha ang kanilang SOA ng kanilang pag-aaring lupa at bahay kung saan mayroong napakahabang pila ng mga nagbabayad.
“Pagkapos ninyong mag-apply niyan, magbabayad po kayo, ang haba na naman ng pila, yoon po ang iniiwasan natin ngayon, so ine-encouraged po natin yun pong ating mga kababayan na gustong makapagbayad ng kanilang RPT to go online,” dugtong pa ni Mayor Honey.