Lacuna Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan Kuha ni JONJON C. REYES

Mayor Honey itutuloy mga proyekto ni Isko

July 2, 2022 Edd Reyes 91 views

SA kanyang unang 100-araw sa panunungkulan, sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na susuriin niya ang mga proyekto at programang naiwan ni Mayor Isko Moreno Domagoso upang matiyak na maisasakatuparan ito ng maayos.

Binanggit niya ang ilang mga proyeto kabilang ang pagtatayo ng mga gusaling pampaaralan at pabahay para sa mahihirap tulad ng San Lazaro Residences, Pedro Gil Residences at San Sebastian Residences, pati na ang mga darating pang mga proyektong pabahay para sa maralitang kababayan tulad ng Binondominium II.

“Of course, ‘yung Bagong Ospital ng Maynila para makatanggap na ng pasyente,” dugtong pa ng alkalde.

Sinabi ni Mayor Honey na titingnan din niya ang kalagayang pananalapi ng Lungsod ng Maynila lalu na ngayong tumaas ang mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo na lalu pang nakaragdag sa paghihirap ng maraming maralitang pamilya.

Ayon sa kanya, may nakabinbin pa namang pinansiyal na tulong ang lokal na pamahalaan para sa mga pamilyang Manilenyo na kanilang inilaan noon pa ni Mayor Isko Moreno.

“Baka makausap ko na po ang Konseho ng Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Vice Mayor Yul Servo Nieto para mai-release na namin ‘yung pondo na matagal na po naming inilaan para rito. Actually, parang kagaya po ito nung inilaan din naming tulong noong kasagsagan ng pandemya,” banggit pa ng alkalde.

Gayunman, sinabi niya na kinakailangan din niyang kausapin ang City Budget Officer upang matalakay kung magkano pa ang natitirang pondo ng lungsod.

“Uupuan po namin ‘yung mga natitira pa nating pananalapi sa ating siyudad para makita po natin kung meron tayong sapat na pondo para maipagpatuloy ang lahat ng programa hanggang matapos po ang taon,” sabi pa ng alkalde.

Sa ngayon aniya, nagsisimula ng maghanda ng kani-kanilang kinakailangang pondo para sa susunod na taon ang lahat ng kanilang mga tanggapan bago nila ito uupuan upang alamin kung ano ang tatahakin nilang direksiyon.

AUTHOR PROFILE