Default Thumbnail

Mayor Honey isinaayos muli ang MPOC

August 25, 2022 Edd Reyes 305 views

UPANG matiyak ang epektibo at mabisang implementasyon ng mga programa at proyekto na lalo pang makapagpapaunlad ng kaayusan at katahimikan sa nasasakupang lugar, iniutos ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang muling pagsasaayos ng Manila Peace and Order Council (MPOC) kabilang na ang pagbuo ng Technical Working Group (TWG), Special Action Committees (SAC), at Secretariat.

Sa ilalim ng nilagdaang Executive Order (EO) No. 28 Series of 2022 ni Mayor Honey nito lamang Agosto 22, 2022, ang MPOC ay bubuuin ng alkalde ng Lungsod ng Maynila bilang Chairperson, bise alkalde bilang Vice Chairperson, City Administrator bilang Executive Director ang magiging miyembro ang halos lahat ng mga pinuno ng iba’t-ibang kawanihan at kagawaran ng Pamahalaang Lungsod, lahat ng mga konsehal ng Maynila, Director ng Manila Police District (MPD), District Director ng Bureau of Fire Protection (BFP), babae at lalaking jail wardens ng Manila City Jail, Chief Prosecutor ng Maynila, Commander ng Joint Task Force sa NCR (National Capital Region) at mga kinatawan ng civil society organization, interfaith sector at Manila Muslim Affairs.

Kabilang sa mga pangunahing tungkulin ng MPOC na nakasaad sa inilabas na kautusan ay ang pagpapatawag ng pagpupulong ng komite tuwing ikatlong buwan, pagpasa ng kaukulang resolusyon kabilang ang pagbuo ng mga Special Action Committee, pagbuo ng secretariat, pag-aproba ng LGU (local government unit) Peace and Order Public Safety (POPS) plan at marami pang iba.

Ang TWG naman ay pangungunahan ng pinuno ng City Planning and Development Office bilang chairperson habang ang mga permanente at kahalili nilang kinatawan na mga pinuno ng mga ahensiyang miyembro ng MPOC ang mga magsisilbing miyembro.

Sila ang mangunguna sa pagbuo ng POPS plan, makikipag-ugnayan sa mga komunidad o barangay para sa pangangalap ng datos at iba pa na nakasaad sa inilabas ng EO.

Ang iba’t-ibang special action committee naman ng MPOC ay kabibilangan ng SAC on Anti-Insurgency and Preventing Violent Extremism kung saan ang Commander of the Joint Task Force-NCR ang tatayong chairperson habang ang MPD Director ang chairperson ng Committee on Peace and Order ng City Council, habang ang DILG Manila City Director at OIC (Officer-in-Charge) ng Manila Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang mga magsisilbing miyembro.

Samantala, ang SAC on Anti-Criminality naman ay bubuuin ng MPD Director bilang chairperson habang ang Commander ng Joint Task Force-NCR, City Director, DILG Manila at OIC ng MSWDO ang magiging miyembro.

Ang SAC on Public Safety naman ay kabibilangan ng BFP, Manila Fire District bilang chairperson at kanyang mga miyembro ang warden ng Male at Female Dorm ng Manila City Jail, City Director ng DILG Manila, pinuno ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MRRMO), OIC ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at pinuno ng Manila Health Department.

AUTHOR PROFILE