Lacuna Puspusan ang paglilinis ng mga kagawad ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDDRMO) sa mga natumbang puno sa kahabaan ng Espanya Blvd. sa panulukan ng Jhocson St., Sampaloc, Maynila habang nagbigay mensahe sina Manila Mayor Honey Lacuna Pangan at Vice Mayor Yul Servo na mag-ingat at manatili na lamang sa kanilang mga tahanan ang mga bata upang maiwasan ang pagkakasakit dulot ng masamang panahon. Kuha ni Jon-jon Reyes

Mayor Honey iniutos paglilinis ng mga kalsada sa Maynila

August 24, 2022 Edd Reyes 370 views

Matapos ang bagyong ‘Florita’

KAAGAD na sinimulan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDDRMO) ang paglilinis ng mga lansangang naapektuhan ng iba’t-ibang uri ng kalat, Martes ng gabi, makaraan ang matinding buhos ng ulan na dulot ng habagat na pinalakas pa ng bagyong Florita.

Maging si Mayor Honey Lacuna-Pangan na naka-monitor sa masamang panahong dulot ng habagat ay kaagad na nag-utos na linisin kaagad ang kanto ng España Boulevard at Jhocson Street patungong Quezon City sa distrito ng Sampaloc matapos bumagsak ang isang matandang puno sa lugar na nakakasagabal sa daloy ng trapiko sa oras na huminto ang malakas na buhos ng ulan.

Nang matanggap naman ni MDRRMO Director Arnel Angeles ang kautusan ng alkalde, kaagad silang nagtungo ng kanyang mga tauhan sa naturang lugar at inabisuhan ang mga motorista na gamitin ang alternatibong ruta sa pamamagitan ng pagkanan sa Padre Noval St., kaliwa sa Loyola St. patungo na sa kanilang destinasyon habang isinasagawa nila ang paglilinis sa lugar.

Dakong alas-10:50 ng gabi ng Martes nang tuluyang malinis ng MDRRMO sa nakahambalang na bumagsak na puno sa kanto ng Espana Blvd. at Jhocson St. kaya’t nanumbalik na ang normal na daloy ng trapiko sa lugar.

Samantala, naglabas din ng abiso si Mayor Honey Lacuna na ang pagbabakuna sa lahat ng kanilang mga vaccination sites ay magpapatuloy na sa araw ng Huwebes makaraang pansamantala itong suspendihin noong Martes ng hapon hanggang sa araw ng Miyerkules.

Ang pansamantalang pagsuspinde sa pagbabakuna sa Lungsod ng Maynila ay batay na rin sa inilabas na babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng makaranas pa rin ng malakas na buhos ng ulan ang Metro Manila sa araw ng Miyerkues kahit lumabas na ng bansa ang bagyong Florita dahil na rin sa hanging abagat.

AUTHOR PROFILE