Default Thumbnail

Mayor Honey inaprubahan guidelines para sa Undas

October 2, 2022 Edd Reyes 386 views

INAPROBAHAN ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang isinumite ng pamunuan ng Manila North Cemetery (MNC) kaugnay sa paghahanda sa paggunita ng Undas sa Nobyembre 1 at 2, 2022.

Sa inilabas na paalala ng pamunuan ng pinakamatanda at isa sa pinakamalaking Kampo-Santo sa Kamaynilaan na sumasakop sa 54 na ektaryang lupa sa distrito ng Sta Cruz, ang pangunahing pasukan ng naturang libingan ay bubuksan sa publiko sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, 2022 mula alas-5 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon habang ang mga pasukan sa Gate 2 at Gate 3 ay bukas din mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon para lamang magsilbing labasan.

Naglabas din ng paalala ang pamunuan ng MNC na pinamamahalaan ni Director Roselle Castañeda na hindi papayagang magtungo o pumasok sa libingan ang mga batang may edad na 12-pababa, pati na rin ang mga taong hindi pa nababakunahan ng panlaban sa Covid-19.

Ang mga manininda, pati na ang lahat ng uri ng sasakyan, kabilang ang mga e-trike, bisikleta at tricycle ay pagbabawalan ding makapasok sa loob ng Kampo-Santo simula sa Oktubre 28, 2022 dahil sa inaasahang pagdagsa ng napakaraming tao matapos karamihan sa kanila ay hindi nakadalaw sa puntod ng kanilang namayapang mahal sa buhay ng dalawang taon bunga na rin ng nanarasang pandemya.

Upang hindi maabala, sinabi ni Castañeda na ang mga gamit na madaling lumikha ng apoy, inuming nakalalasing, videoke o anumang uri ng sound system, baraha, gamit sa larong bingo, matutulis na bagay tulad ng patalim, ice pick, screwdrivers at iba pang kahalintulad nito ay hindi pahihintulutang dalhin at ipaso sa sementeryo.

Nag-abiso rin ang MNC na ang paglilinis at pagpipintura ng mga puntod ng kanilang namayapa ay papahintulutan lamang mula Oktubre 1 hanggang sa araw ng Miyekules, Oktibre 5.

Maging ang mga paglilibing at cremation o pagsunog sa namayapa ay hindi muna pahihintulutan ng anim na araw mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2 dahil ang normal na operasyon ng libingan ay muling ibabalik sa Nobyembre 3, 2022.

Karaniwan ng nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng MNC sa Manila Police District (MPD), partikular sa station commander ng Police Station-3 na nakakasakop sa lugar upang tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa panahon ng paggunita ng Undas habang ang Manila Health Department ay nagkakaloob naman ng serbisyong medikal, hindi lamang sa MNC kundi maging sa South Cemetery, upang magbigay-lunas sa mga bibisitang magkakaroon ng biglaang karamdaman o pinsala sa bahagi ng katawan na hindi naman nila ikasasawi.

AUTHOR PROFILE