Mayor Honey dumalo sa golden grand reunion ng AHS Class ’73
DUMALO bilang panauhing tagapagsalita si Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan sa selebrasyon ng “Golden Grand Reunion” ng Class ’73 ng Arellano High School Sabado ng hapon sa East Ocean Palace sa Paranaque City.
Nakiisa at masayang bumati ang alkalde sa mga nagtapos ng taong 1973 sa mataas na paaralan na ang ilan ay bumalik pa ng Pilipinas mula sa kanilang matagal na paninirahan sa iba’t-ibang bansa, kasama ang kanilang pamilya.
Humanga si Mayor Honey Lacuna-Pangan sa dami ng mga dumalo sa ika-50-taong pagsasama-samang muli ng mga nagtapos na estudyante ng Class ’73 ng naturang paaralan matapos mapuno ang malaking bulwagang inupahan ng samahan upang pagdausan ng Golden Grand Reunion.
“Ito na ang ang inyong pagkakataong i-rewind at i-refresh ang mga magagandang ala-ala n’yo sa nakalipas na limang dekada. 50 years. Wow! Napakasuwerte po ng Arellano dahil napakarami pa rin po ninyo ngayon na magkakasama sa hapong ito,” pahayag ng alkalde..
“Talaga namang mapupuno ang araw na ito ng mahabang kuwentuhan for sure, kumustahan, bidahan, tsismisan at marami pang kasiyahan. Ito rin ay isang angkop na pagkakataon upang makilala ninyo ang inyong mga dating kaibigan at ang inyong mga dating ka-klase at ka-batch na matagal na ninyong hindi nakita. May galing po sa USA, sa Guam, Hongkong, Australia, Japan na nagsipag-uwian pa para lang makasama kayo at makapag-celebrate ng 50-years ninyo,” dugtong pa niya.
Sa kanyang pagsasalita, hinimok din ni Mayor Honey Lacuna ang grupo na pag-usapan ang mga plano kung papaano mapalawig ang pagkakaroon ng mas lalu pang aktibong samahan ng Batch ’73 at mag-isip ng mga proyektong makakatulong sa Arellano High School na kanilang pinagtapusang paaralan upang makatulong sa mga batang-Maynila na kasalukuyang nag-aaral dito.
Bilang tugon, isa-isang inilahad nina Lualhati Navea Carpena, Pangulo ng samahan at Vice President Napoleon “Jun” Salas, Jr., ang mga matagumpay na mga aktibidad at gawaing naisakatuparan ng Samahang AHS Class ’73 kabilang ang sunod-sunod na proyektong “Oplan Sagip Mata” na sinimulan nila noon pang taong 2013, katuwang ang Acebedo Optical, pagdaraos ng symposium kaugnay sa iba’t-ibang kurso para sa mga estudyante ng Arellano High School, pagsasagawa ng medical mission katuwang ang Department of Health, pagkakaloob ng tulong sa ka-batchmate na nasunugan, pamimigay ng regaling Pamasko sa mga estudyante ng paaralan at pagdaraos ng isang araw ng bowling tournament at Zumba fund raising fitness.
Naging kalugod-lugod naman kay Mayor Honey ang kanyang naging pagdalo sa kaganapan, hindi lamang dahil sa dami ng mga dumalo, kundi sa mga naisakatuparang kawang-gawa ng grupo.
“Sana po mayroon pang 55 years, 60 years, di ho ba? Andiyan naman at pagdarasal po lagi kayo ng inyong mga prayer warriors,” masayang pahayag ng alkalde.