Lacuna Personal na nagtungo sina Manila Mayor Honey Lacuna Pangan at MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon sa mga Covid facilities sa Quirino Grandstand upang dalawin at kumustahin ang mga empleyado kasabay ng pasasalamat sa kanilang walang sawang serbisyo nitong nakaraang ‘Araw ng mga Bayani’ o National Heroes’ Day. Kuha ni Jon-jon Reyes

Mayor Honey dumalaw, ininspeksyon ang Manila Covid-19 Field Hospital

August 30, 2022 Edd Reyes 167 views

BINISITA ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang Manila Covid-19 Field Hospital upang alamin ang sitwasyon ng mga pasyente at medical health workers na nakatalaga sa naturang pasilidad.

Sinamantala ni Mayor Honey na personal na bumisita sa naturang field hospital na itinayo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa Burnham Garden sa Rizal Park makaraang pangunahan nila ni Manila Police District (MPD) Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon ang paglulunsad ng Oplan “SAFE” (Seen, Appreciated, Felt, and Extraordinary) Manila nito lamang Lunes sa Quirino Grandstand.

Ginawa ng alkalde ang pagbisita upang tiyakin na may sapat pang kagamitan, gamot at pagkain ang Manila Covid-19 Field Hospital na nakalaan para sa mga pasyenteng hindi naman malala ang sintomas ng nakahahawang sakit.

Nilibot ng alkalde ang mga fully air-conditioned na tanggapang pang-administratibo at inalam ang kalagayan ng mga nakaratay pang pasyente sa magkahiwalay na kama para sa mga lalaki at babae sa pamamagitan ng pagsilip sa monitoring screen para sa nakakabit na closed-circuit television (CCTV) camera sa loob ng pasilidad.

Nais ding alamin ni Mayor Honey ang kondisyon ng kalusugan ng mga nakatalagang doktor, nurses, at medical frontliners, kasabay ng pagpapahayag ng kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga ito dahil sa ginagawang pag-aaruga at suporta sa mga pasyenteng dumaranas ng bahagyang sintomas ng COVID-19.

Bago lisanin ang pasilidad, sumilip pa muna sa salamin ng pintuang patungo sa ward ng mga nakaratay na pasyente ang alkalde kasabay ng tagubilin sa mga medical health workers na nakatalaga sa pasilidad na alagaan ang mga nakaratay na karamihan ay hindi mga residente ng Lungsod ng Maynila. “Kayo na bahala sa kanila, konting tiyaga na lang at malalagpasan na natin ito,” ang tagubilin ng alkalde sa mga frontliners.

Batay sa rekord ng pasilidad, nasa kabuuang bilang na 67 pa ang pasyenteng ginagamot sa naturang pasilidad, 53 rito ay mga lalaki at 14 naman ang babae bagama’t ayon sa administrative official na nakapanayam ng People’s Tonight, nakatakda na nilang palabasin ang 14 na pasyente kaya’t 53 na lamang ang matitirang may bahagyang sintomas ng COVID-19 na kanilang gagamutin.

Nauna ng ipinahayag ni Dr. Arnold Pangan, hepe ng Manila City Health Department na hanggang Disyembre na lamang ng taong kasalukuyan ang operasyon ng Manila Covid-19 Field Hospital.

AUTHOR PROFILE