Default Thumbnail

Mayor Honey: Dito sa Maynila, walang iniiwan

July 12, 2023 Edd Reyes 211 views

ISA-ISANG inilahad ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang mga napagtagumapayan ng kanyang administrasyon sa ginanap na State of the City Address (SOCA) Martes ng hapon sa Session Hall ng Sangguniang Panglungsod.

“Dito sa Maynila, walang iniiwan, lahat kasama, lahat mahalaga,” pagtiyak pa ng alkalde.

Sa pagsasalita ni Mayor Lacuna-Pangan, ang Punong Lungsod na gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng kapitolyo ng bansa, binigyang-diin niya ang mga positibong pag-unlad at mga kaukulang ayuda ng kanyang administrasyon sa mga residente, lalu na sa mga senior citizens, estudyante, solo parents, persons with disability (PWDS) at maging sa sector ng pagnenegosyo sa loob ng mahigit isang taon niyang panunungkulan.

“Binigyang pansin natin ang pagkalinga sa bawa’t Manilenyo, Sinikap nating tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng ating mga kababayan. Ipinagpatuloy natin ang pagkakaloob ng mga ayuda at tulong sa lahat ng ating nasasakupan,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.

Binanggit niya ang updated na buwanang P500 allowance sa may 180,000 senior citizens, ang kanilang birthday cakes Christmas boxes, libreng pagpasok tuwing Miyerkules sa Manila Zoo, at mga gamot na pang-maintenance sa loob ng isang buwan sa mga health centers, pati na rin ang P100.000.00 insentibong ibinibigay ng lokal na pamahalaan na siya pa mismo ang naghatid sa 17 centenarians ng lungsod mula noong Hulyo ng nagdaang taon hanggang sa kasalukuyan.

“Binibigyan natin ng buwanang allowance na tig-P1,000 piso ang may 2,000 nag-aaral sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad De Manila (UDM) habang may 4,030 mga kabataan naman sa elementarya at high school ang pinagkalooban natin ng tulong pinansiyal sa pamamagitan ng ating Educational Assistance Program. Halos P24 milyong piso ang naibigay ng ating pamahalaang lungsod mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2023 para sa mahigit 6,000 senior high school students sa ating mga pampublikong paaralan. Nakapagbigay din tayo ng mga uniforms, bags at iba pang school supplies sa elementary at high school. Bukod tanging tayo lamang sa buong NCR o maaring sa buong bansa ang nakapagpagawa ng apat na world class science laboratory at madadagdagan pa upang ang bawa’t distrito ay may kanya-kanyang laboratory,” sabi pa ng alkalde.

Lahat ng kanyang mga napagtagumpayang programa at proyekto na may kaugnayan sa kalusugan, edukasyon, pabahay, imprastraktura. Pangkabuhayan ng mamamayan, trabaho, kaayusan at katahimikan at mahusay na pamamahala ay inilahad din niya sa taumbayan.

Ipinagmalaki rin ng alkalde ang napakaraming karangalang natanggap ng Maynila, kabilang na rito ang pagkilala ng DENR Environment Management Bureau bilang Best Practices on Ecological Solid Waste Management atHighly Compliant sa Manila Bay Clean Up Rehabilitation and Preservation.

“Sa unang pagkakataon, nakamit natin ang mataas na pagkilala bilang Best Tourism Local Government Unit sa buong bansa at tayo rin ay nabigyan ng karangalan bilang Grand Champion para sa Best Tourism Religious Festival. Nakatanggap din tayo ng Certificate of Recognition mula sa ARTA bilang isa sa mga local government na matagumpay sa pagsasaayo ng mabilis na pagproseso ng business permit and licenses at pagpapanatili ng electronic business one stop shop o E-BOSS, alinsunod sa itinakda ng Ease of Doing Business and Efficiency Delivery Act of 2018,” paglalahad pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

“Nailagay din ang ating lungsod sa Hall of Fame ng may pinakamataas na locally source revenue mula sa Department of Finance Bureau of Local Government Finance. Ito ay bilang pagkilala sa pagsisikap natin na makalikom ng pananalapi at kalingaing mabuti ang ating ekonomiya,” dagdag pa niya.

Kabilang naman sa mga dumalo sa naturang kaganapan sina Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto, mga Kongresista ng anim na distrito ng lungsod, miyembor ng Sanggunilang Panlungsod, Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Andre Dizon, mga pinuno ng iba’t-ibang departamento at iba pang mga panauhing inimbitahan.

AUTHOR PROFILE