Default Thumbnail

Mayor Honey, binuo ‘Task Force Bodega’

March 2, 2023 Edd Reyes 181 views

BUMUO ng isang task force ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na mangunguna sa pagsasagawa ng inspeksiyon sa mga bodega sa lungsod na imbakan ng mga pangunahing produktong pagkain.

Layunin ng inilabas na Executive Order (EO) No. 8 Series of 2023 ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na masugpo ang sobra-sobrang pag-iimbak o “hoarding” na ginagawa ng ilang mga negosyante sa mga produktong pagkain na nagiging sanhi ng kakulangan ng supply at nagreresulta sa paglobo ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa tatlong pahinang kautusan ng alkalde, binanggit niya ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular ang sibuyas at itlog, kaya’t marami ang nagtatanong kung may mga “nagmamanipula” ba o may “kartel” para magkulang ang supply nito sa merkado.

Bukod dito, nakatanggap din ng reklamo ang pamahalaang lungsod kaugnay sa pagpasok ng mga kontrabando mula sa ibang bansa na ipinagbabawal ibenta sa merkado, tulad ng imported na sigarilyo at de-latang pagkain.

Dahil dito, ginamit ni Mayor Lacuna-Pangan ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya sa ilalim ng Saligang Batas at ng Local Government Code na bumuo ng tinatawag ng “Task Force Bodega” upang masiguro na ang lahat ng pasilidad na ginagawang imbakan ng mga produktong pagkain ay hindi makakapag-imbak ng mga produktong lagpas sa normal na imbentaryo na magreresulta sa kakapusan ng supply.

Mismong si Mayor Honey ang magsisilbing Chairperson ng binuong task force, kasama ang City Administrator at City Legal Officer bilang mga Vice Chairperson habang miyembro naman ang mga hepe ng mga departamento tulad ng Business Permit, Manila Traffic and Parking Bureau, Manila Barangay Bureau, Special Mayor’s Reaction Team, Hawker’s Division, Manila Department of Social Welfare, Manila Disaster Risk Reduction Management Office at Market Administrator, habang si Manila Police District (MPD) Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon ang magsisilbing Ex-Officio Member.

Ang Task Force Bodega rin ang magtatala ng rekord ng lahat ng isasagawa nilang operasyon, pati na rin ng database ng lahat ng mga bodega sa lungsod, na limitado sa pribadong datos at magiging bukas lagi sa pagsusuri ng lahat ng miyembro, lalo na ang alkalde ng Lungsod ng Maynila.

Sa oras na maging epektibo na ang kautusan, bubuo ng proseso ang City Legal Office upang makagawa ng kaukulang legal na aksiyon ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pagsamsam sa mga produkto o pagkandado sa mga bodegang naglalaman ng kontrabando o madiskubre na sobra-sobra ang kanilang iniimbak na mga pangunahing bilihin na lagpas sa wastong imbentaryo.

AUTHOR PROFILE