Lacuna Isinaayos ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pamunuan ng Solid Waste Management ng lungsod para sa mga pagwawasto ng kailinisan at basura. Kuha ni Jon-jon Reyes

Mayor Honey aprubado na bagong lupon ng Solid Waste Management

August 15, 2022 Edd Reyes 126 views

LUNGSOD NG MAYNILA – Iniutos ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang muling pagsasaayos sa hanay ng mga opisyal at miyembro ng Solid Waste Management Board upang lalo pang mapalakas ang inilatag na 10-taong pagpaplano sa wastong pamamahala sa mga basura.

Sa ilalim ng inilabas ng Executive Order (EO) No. 23 Series of 2022 ng alkalde, muling bubuo ng bagong komposisyon ng mga tatayong opisyal ng Solid Waste Management Board kung saan siya ang magiging chairperson habang sina City Administrator Bernie Ang at Officer-In-Charge (OIC) ng Department of Public Services (DPS) na si Kayle Nicole Amurao ang tatayong mga vice chairpersons.

Ang pinuno naman ng City Legal Officer at halos lahat ng pinuno at OIC ng mga tanggapan ng kagawaran at kawanihan ng Lungsod ng Maynila, kabilang ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod, kinatawan ng ilang mga kompanya ng plastic, Director ng Department of the Interior and Local Government-Manila Field Office, Director ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)-Solid Waste Management Office at Regional Director ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Environmental Management Bureau ng National Capital Region (NCR) ay magsisilbi namang mga miyembro ng lupon.

Ang mga bagong opisyal, sa ilalim ng Section 2 ng naturang kautusan, ang magpapalakas at magu-update ng nailatag ng 10-taong plano sa wastong pamamahala ng mga basura, pati na ang tamang pamamahala at paglutas sa mga ilang problemang pang-ekonomiya, panglipunan at pang-administratibo, pagbuo ng tamang mekanismo at panuntunan, magpatibay ng mga hakbang upang matiyak itong maipatutupad, at iba pang kanilang mga tungkulin at responsibilidad.

Nakasaad din sa EO ni Mayor Honey ang agaran nitong pagpapatupad at ang pagpupulong ng mga bagong itinalagang opisyal ng lupon sa oras na mailabas na ang nilagdaan niyang kautusan.

Ang Lungsod ng Maynila ay inaatasan ding magpadala ng kopya ng kautusan sa tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas sa Malacañang batay na rin sa probisyong nakasaad sa Local Government Code.

AUTHOR PROFILE