Biazon

Mayor Biazon tututukan isyu sa mabahong tubig

August 15, 2024 Edd Reyes 111 views

BINIGYANG katiyakan ni Muntinlupa City Mayor Rozzano “Ruffy” Biazon na mananagot ang sino mang nagkulang o hindi tumugon sa reklamo ng isang residente hinggil sa umano’y mabahong amoy ng tubig sa tinutuluyang unit sa isang residential condominium sa Alabang.

Ito’y matapos na personal ng nagtungo sa tanggapan ng alkalde si Monalie Dizon, may-ari ng isang unit ng condominium nitong Huwebes ng umaga upang patunayan ang mabahong amoy ng tubig na aniya ay noon pang nakaraang taon niya natuklasan subalit nitong Mayo lang niya naranasan nang tumira na siya sa kanyang unit.

Nauna ng iniutos ni Biazon kay City Health Office Dr. Jancho Bunyi ang pagsasagwa ng imbestigasyon hinggil sa maruming tubig matapos mapabalita sa radyo at mga pahayagan ang umano’y may halo pang “dumi” ng tao ang dumadaloy sa gripo.

Napagalaman na una ng ipinasuri ni Dizon sa pribadong kompanya ang sample ng tubig sa kanyang unit at nag-positibo ang resulta nito noong Agosto 8, 2024 sa fecal coliform at total coliform ma dahilan upang magsagawa ng pagsusuri ang City Health Office (CHO) ng Muntinlupa.

Sa resulta naman ng isinagawang pagsisiyasat ng Sanitation Division ng CHO na pirmado ng hepe nito na si Rommel Abad, walang updated na physical at chemical analysis ng tubig at wala ring sanitary permit ang nasabing condominium para sa taong 2024 kaya’t inirekomenda ng tanggapan ang agarang pagsasa-ayos ng naturang kakulangan ng pamunuan ng condominium.

Nagtungo rin si Dizon sa tanggapan ng CHO upang alamin ang resulta ng ginawa nilang pagsusuri sa supply ng tubig subalit hindi aniya siya nakakuha ng katugunan kaya’t inilapit na niya ang problema sa alkalde.

“Trust the process. Sinisigurado naman natin na dito sa Muntinlupa, sinusunod ang proseso at kung may lumabag man sa batas, kakaharapin nila ang karampatang parusa,” pagtiyak pa ni Mayor Biazon.

AUTHOR PROFILE