Default Thumbnail

Mayor Antonio Trillanes?

July 6, 2023 Allan L. Encarnacion 476 views

Allan EncarnacionMUKHANG magbabago ang political landscape ng Caloocan City sa 2025.

Matunog ang usap-usapan sa mga pondahan sa lungsod na isang national political figure ang sasabak sa lokal na eleksiyon.

Parang wildfire na kumakalat ang balita ng pagtakbo ni former Senator Antonio Trillanes bilang alkalde ng Caloocan sa 2025.

Katunayan, ang mga barangay, simbahan at mga local leaders sa lungsod ay sunud-sunod na nakikipagmiting sa dating senador. Sa mga nagtataka bakit biglang pumasok sa lokal na pulitika si Trillanes, maagap ang sagot ng kanyang mga kasamahan. Hindi raw makukuwestiyon ang pagiging residente ng lungsod ni Sonny dahil sa BF Homes Distric 1 siya isinilang na nasasakupan ng Barangay 169.

Hindi natin personal na kaibigan o kakilala si Trillanes, ang common denominator namin, pareho kaming taal na batang Caloocan. Kung sa dulo ng norte siya ipinanganak, ako naman ay sa Mariano Ponce sa Bagong Barrio na distrito uno rin pero mas malapit sa Caloocan South (Monumento area).

Ang mga ninuno ko ay taga-6th Avenue at lahat halos ng mga kamag-anak namin ay doon nanirahan sa mahabang panahon. Hanggang ngayon ay naroon pa sa Nuestra Senior de Gracia ang iba naming kamag-anak. Ito iyong mga panahong nagbabayad lang kami ng diyes sentimos para makatawid sa pader ng La Loma Cemetery tuwing Undas upang makadalaw sa aming mga yumao.

Ayon sa mga nakausap ni Trillanes, malungkot daw ito sa sitwasyon ng Caloocan matapos ang maraming dekada. Kailangan na raw talaga ng agresibong pagkilos para makapasok sa mapa ng kaunlaran ng lungsod.

Kunsabagay, ang Caloocan ang isa sa pinakamatandang lungsod sa National Capital Region. Palagi ko ngang nasasabi sa mga umpukan, ang Caloocan ay lungsod na noong mga panahong ang Taguig ay sobrang hirap pa, ang Caloocan ay lungsod na noong munisipyo pa lang ang Makati na napakaliit ng lugar at napakaliit ng kita, lungsod na rin ang Caloocan sa mga panahong ang San Juan ay isang sleeping town pa lamang.

Makalipas ang maraming dekada, ang Taguig ay isa nang world class city at number one sa pagiging business hub sa buong bansa at Asya, ang Makati ay ganoon din dahil isa nang business district at naglalakihan na rin ang mga negosyo, ang San Juan, isa nang premier city, booming ang investment at sentro ng cosmopolitan leaving. Nilamon na rin ng progreso ng Quezon City at Maynila ang Caloocan. Ang Valenzuela ay nakabangon na rin.

Pero ang Caloocan, pupungas-pungas pa rin, parang kababangon lang sa higaaan. Katunayan, nakabakat pa ang banig sa likod na indikasyon ng mahabang panahon ng pagkakatulog. Hindi naman mahirap malaman kung bakit nagkanyan ang Caloocan, kasalanan din din yan ng mga nagpasalin-salin na lider mula pa noon hanggang ngayon.

Kung hindi magbabago ang plano, mukhang si Trillanes ay isang “fresh start” na tinitingnan ng maraming negosyante, ng mga mamamayan at ng mga lider ng lungsod.

May mga balita tayong mga malalaking negosyante at mga community, church leaders ang magtutulong-tulong para kumbisihin si Trillanes na tumuloy sa kanyang planong pagtakbo.

Hindi naman kami naging kakampi ni Trillanes at hindi naman kami naging magkalaban. Palagi lamang kaming magkaiba ng bakod sa pulitika kaya kahit minsan ay hindi pa kami nagkikita at nagkakausap.

Pero sa pagkakataong ito, parang gusto kong mag-apply na campaign manager ni Trillanes para sa kapakanan ng lungsod na pareho naming pinagmulan.

Bagay kaya sa kanya ang “Mayor Antonio Trillanes?”

Ano sa palagay nyo?

[email protected]