Volcano

Mayon Volcano Alert Level 3 na

June 8, 2023 Zaida I. Delos Reyes 321 views

ITINAAS na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Level 3 ang alerto sa Mayon Volcano sa Albay.

Nangangahulugan ito na mataas na ang posibilidad ng pagkakaroon ng hazardous eruption o mapanganib na pagsabog sa loob ng isang linggo o sa mga susunod na araw.

Sa inilabas na bulletin ng Phivolcs, simula nang ilagay sa Alert Level 2 ang paligid ng bulkan nitong Lunes ay mas dumami pa ang rockfall events.

Mula June 5 hanggang June 8, umabot na sa 267 rockfall events at dalawang volcanic earthquake ang naitala sa paligid ng bulkan. Mas mataas ito kumpara sa naitalang 54 rockfall events na naitala mula June 1 hanggang June 4.

“A total of 267 rockfall events and two volcanic earthquakes were recorded from June 5 to 8, compared to 54 rockfall events from 01 to 04 June 2023,” pahayag ng Phivolcs.

Paliwanag ng Phivolcs, nagpapahiwatig na ang Mayon ng magmatic eruption sa bunganga nito at lumalaki na rin ang tsansa na pagluwa ng lava at mapanganib na pyroclastic density currents na nakakaapekto sa taas at gitnang dalisdis ng bulkan.

Kaugnay nito, inihahanda ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa Bicol ang 115 evacuation centers sa Albay sa sandaling iutos ang pre-emptive evacuation.

Sinabi ni DSWD-5 spokesperson Mary Gizelle Mesa , sinimulan na nilang bisitahin ang mga evacuation centers sa mga lugar na nasa loob ng Mayon cluster o Mayon affected areas.

“At least 115 evacuation centers were already readied just in case authorities ordered pre-emptive evacuation. The visit is to ensure that the facilities are safe and are within the standards of evacuation centers,” pahayag ni Mesa

Mayroon na rin aniyang 63,928 family food packs at 52,829 non-food items ang nakalagak at naka-antabay sa kanilang mga warehouse.

Bukod pa aniya ito sa P8.4 milyong halaga ng food items at P42.3 milyong non-food items na nakahanda for repacking at augmentation.

“We also have another P8.4 million worth of food items and P42.3 million non-food items in the stockpile ready for repacking in anticipation of augmentation. The prepositioned goods were strategically placed to ensure that DSWD will be able to provide assistance immediately,” paliwanag ni Mesa

Nakahanda narin ang P5 milyong standby fund sa sandaling kailanganin pang bumili ng karagdagang food packs.

Naglabas narin ng advisories ang local government units ng Daraga, Camalig at Legazpi City na nagbabawal at nagpapatigil sa lahat ng aktibidad sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone kabilang dito ang mountain climbing, hiking at quarrying operation.

Siniguro naman ng national disaster risk reduction and management council (ndrrmc) ang kahandaan ng bawat local government unit (lgu) na nakakasakop bulkang mayon at bulkang taal .

Ayon kay NDRRMC deputy spokesperson Diego Mariano malaki ang tiyansang magpatupad ng pre-emptive evacuation dahil sa patuloy na paga-alburuto ng dalawang bulkan.