
Mayon situation tumitindi, lindol dumadalas
NAKAPAGTALA nang tuloy-tuloy na pagyanig sa paligid ng Bulkang Mayon simula nitong Lunes ng hapon na lalo pang lumakas pagsapit ng Martes.
Sa inilabas na advisory ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs, naramdaman ang pagyanig mula 3:47 ng hapon nitong Lunes hanggang hapon ng Martes.
Tumatagal ang pagyanig ng 11 segundo at muling mararamdaman matapos ang limang segundo.
“These events last approximately 11 seconds and recur at intervals of 5 seconds,” pahayag ng Phivolcs.
Ayon sa Phivolcs, nagpapataas ang ganitong aktibidad ng bulkan ng kanyang level of seismic energy simula July 3, 2023.
Nadagdagan din ang ibinubugang sulfur dioxide ng bulkang nitong Lunes na umabot sa 1,558 tonelada kada araw.
Posibleng dahilan ng pagyanig ang magmatic gas na namumuo at nagiging dahilan ng pagguho ng pyroclastic density currents (PDC) at patuloy na rockfalls sa bunganga ng bulkan.
Nagtagal din ng dalawang minuto ang pagguho ng PDC sa loob ng 1 hanggang 2 kilometro mula sa crater sa Basud gully, Mi-isi gully at Bonga gully.
Umabot narin sa bayan ng Guinobatan, Ligao at Albay ay ibinubugang ash fall ng bulkan.
Sa kasalukuyan, nanatiling nasa Alert level 3 ang paligid ng bulkan.
Sinabi ng Phivolcs na mahigpit nilang binabantayan ang pagtaas ng seismic energy release ng bulkan.
Ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer radius permanent danger zone habang pinaghahanda naman ang mga nasa 7 hanggang 8 kilometer PDZ sa posibleng paglikas depende sa magiging aktibidad ng bulkan sa mga susunod na araw.