Maynila nakapagtala ng mahigit 1K kaso ng dengue – Mayor Honey
INIULAT ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan na nakapagtala ang Manila Health Department (MHD) ng 1,294 na kaso ng dengue sa lungsod mula noong Enero 1 hanggang Agosto 20.
Sa kanyang ulat sa The Capital Report na isinapubliko sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page ng Manila City Public Information Office Biyernes ng hapon, sinabi ni Mayor Honey na sa 1,294 na kaso ng dengue, 768 dito ay suspected o pinaghihinalaan pa lamang, 621 ang posible ng kaso o mas malamang na dengue na talaga habang lima ang talagang kumpirmado ng dengue cases.
“So mula po noong August 14 to 20, nakapagtala po tayo ng 57 kaso ng dengue kung saan sa isang barangay, tatlo ang may pinakamataas na kaso at mayroon naman po na may dalawang kaso lang sa bawat barangay,” pahayag ng alkalde.
Nauna rito’y iniulat na ng Department of Health (DOH) na ang pagbaba ng temperatura sa katawan ng tao sa pagitan ng tatlo hanggang anim na araw ng impeksiyon ay nangangahulugan lamang na mula sa bahagya pa lamang na kategorya at magiging malala na ang impeksiyon ng dengue.
Sinabi ng alkalde na ang mga sintomas ng dengue ay kinabibilangan ng pananakit ng mata, pananakit ng katawan at kasu-kasuan, walang tigil o paulit-ulit na lagnat mula dalawa hanggang pitong araw, pananakit ng ulo, kawalan ng ganang kumain, pagsusuka, pagtatae at paglabas ng mga rashes sa balat.
“So, kung mayroon po tayong ganyang mga nararamdaman o may sintomas po tayong ganyan ay magpakonsulta na po tayo sa pinakamalapit na health center or ospital na malapit sa ating mga tahanan,” dagdag pa ng alkalde.
Upang maiwasan aniya ang impeksiyon sa kagat ng lamok na may dalang dengue, pinayuhan ng alkalde ang mamamayan ng lungsod na panatilihin ang kalinisan, hindi lamang sa tahanan kundi sa buong kapaligiran, iwasang magkaroon ng tubig sa anumang lugar o lagayan, magsuot ng mga putting kasuotan at kung maaari ay mag-spray o magpunas ng mosquito o insect repellent sa katawan.